Ang Filipino pride na si Sofronio Vasquez ang nagwagi sa The Voice USA Season 26 mula sa team ni Michael Buble.
Mula sa entablado ng Tawag ng Tanghalan hanggang sa The Voice USA, patuloy na pinatunayan ni Sofronio Vasquez ng Mindanao na ang talento ng Pinoy ay pangmalakasan.
Kilala sa kaniyang powerful voice at velvety-rich tone, si Sofronio ay isang mang-aawit na kayang magbigay-buhay sa iba’t ibang genre—mula pop, RnB, rock, standard, jazz, at maging rap.
Bata pa lamang ay nahasa na ni Sofronio ang kaniyang husay sa musika.
Si Sofronio ay isa sa mga finalists sa “Tawag ng Tanghalan,” taong 2019 sa ikalawang season nito. Six-time defending champion si Sofronio at sumalang din siya sa TNT All-Star Grand Resbak. Sa pagtatapos ng kompetisyon, napasakaniya ang ikatlong pwesto bilang parangal.
Noong 2021, ginawaran siya ng Kumu Diamond Award, patunay sa kaniyang kasikatan at impluwensya sa platform. Bukod dito, nagwagi rin siya sa ilang paligsahan tulad ng Sing-it-Off, Raise Your Voice, Singing Royals, at Ang Galing Mo.
Hindi lamang sa Kumu nakikita ang kaniyang ningning. Sa social media platforms tulad ng TikTok, YouTube, Facebook, at Instagram, milyon-milyon ang sumusuporta sa kaniyang mga cover songs.
Kabilang sa mga pinakatumatak ang bersyon niya ng “That’s What Friends Are For,” na umani ng mahigit 9 milyong views sa Facebook, at ang “Nothing’s Gonna Change My Love for You,” na nagkaroon ng mahigit 1 milyong views sa TikTok.
Bukod sa mga cover, patuloy din siyang gumagawa ng orihinal na musika. Noong 2020, inilabas niya ang kantang Bakit Hindi Ko Sinabi sa ilalim ng Old School Records ng ABS-CBN Music. Sinundan ito ng mga awitin niyang “Bililhon” at “Mahalaga” noong 2022, sa Normal Use Records.
Nitong mga nakaraang linggo ay matagumpay siyang nakapasok sa Top 5 ng The Voice USA.
Noong Setyembre, sumalang siya sa blind audition ng The Voice USA at nakakuha siya ng apat na chair turns at standing ovation mula sa mga coach na sina Snoop Dogg, Michael Buble, Reba McEntire, at Gwen Stefani, matapos niyang kantahin ang kaniyang bersyon ng “I'm Goin' Down" ni Mary J. Blige.
Sinabi pa ni McEntire na ang boses ni Vasquez ay parang mantikilya—makinis at puno ng damdamin, habang inilarawan ni Stefani ang kaniyang performance na parang isang Grammy-level na pagtatanghal.
Nagpasalamat naman si Buble kay Vasquez, na sinabing ang kaniyang relasyon sa Pilipinas ang lalong nagpatindi ng kaniyang paghanga. Si Snoop Dogg naman ay nagbigay-diin sa potensyal ni Vasquez bilang isang soulful artist na handang gabayan para sa mas mataas na tagumpay.
Inawit ni Sofronio ang "Unstoppable" ni Sia at "A Million Dreams" mula sa pelikulang "The Greatest Showman.” Dahil sa kaniyang pangmalakasang performances, at online votes na sinuportahan ng Pinoy netizens, tuluyan na siyang itinanghal bilang The Voice USA Season 26 Winner ngayong 2024.
Sa bawat tono at liriko, isinusulong ni Sofronio Vasquez ang pagmamahal sa musika—isang kuwento ng tagumpay na puno ng talento, dedikasyon, at pagmamalaki sa sariling sining.
Sa ngayon, patuloy niyang ipinapamalas ang talento ng mga Pilipino sa international stage, pinapatunayan na ang galing ng Pinoy ay walang hangganan.
Mariah Ang
MAKI-BALITA: Sofronio Vasquez, wagi sa The Voice USA
MAKI-BALITA: Sofronio Vasquez wagi sa The Battles ng The Voice; pinakanta ng US National Anthem!