“Hindi ko rin naman gusto na umabot nang ganito…”
Matapos magpasalamat sa mga patuloy na sumusuporta sa kaniya, humingi naman ng pasensya si Vice President Sara Duterte sa mga nai-stress daw dahil sa kaniyang sitwasyon.
Sa panayam ng GMA News nitong Lunes, Disyembre 9, tinanong si Duterte tungkol sa isinagawang “Protect VP Sara Ride” ng kaniyang mga tagasuporta sa Davao, Cebu at iba pang bahagi ng bansa.
Anang bise presidente, nagpapasamat siya sa patuloy na suporta ng kaniyang mga kababayan sa kaniya at sa mga kasamahan niya sa Office of the Vice President (OVP).
“Nagpapalakas ng loob namin at malaki yung tulong ng suporta nila sa nararamdaman namin na pagmamahal mula sa ating mga kababayan,” ani Duterte.
Samantala, humingi rin ng pasensya ang bise presidente sa naidudulot daw niyang stress sa kaniyang mga tagasuporta lalo na sa mga senior citizen.
“Humihingi ako ng pasensya sa stress lalo na sa mga senior citizen. Marami akong nakakasalamuha or nakikita sa daan na nagsasabi sa akin na: ‘Nai-stress kami sa mga ginagawa sa’yo’,” ani Duterte.
“Humihingi ako ng pasensya sa kanila. Hindi ko rin naman gusto na umabot nang ganito. Pero meron talagang panahon sa buhay ng isang politiko na merong mga pinagdadaanan, kaya humihingi ako ng pasensya lalong lalo na sa mga senior citizen for the stress that I caused them,” saad pa niya.
Kasalukuyang nahaharap si Duterte sa ilang mga isyu tulad ng usapin ng kaniyang confidential funds, subpoena na ipinadala ng National Bureau of Investigation (NBI) at impeachment complaint na inihain laban sa kaniya sa Kamara.
Matatandaang kamakailan ay naghain ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Duterte matapos niyang sabihing mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at maging sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, nahainan na ng subpoena ng NBI
KAUGNAY NA BALITA:'It's a concern about my death!' VP Sara, may nilinaw sa ‘banta’ niya vs PBBM
Nito lamang namang Lunes, Disyembre 9, nang isiwalat sa isinagawang pagdinig ng Kamara na 677 umano’y benepisyaryo ng confidential funds ng Department of Education (DepEd), panahon kung kailan si Duterte ang kalihim, 405 ang walang record of birth ng Philippine Statistics Authority (PSA).
MAKI-BALITA: 405 sa 677 umano'y benepisyaryo ng confi funds ni VP Sara, walang record of birth sa PSA
Samantala, dalawang impeachment complaints na ang inihain sa Kamara laban sa bise presidente.
MAKI-BALITA: Grounds ng impeachment laban kay VP Sara, inisa-isa ng civil society leaders
MAKI-BALITA: Paghahain ng ikalawang impeachment case vs VP Sara, sinabayan ng protesta!