Nakatakdang magpatupad ng ₱0.1048 kada kilowatt hour (kwh) na dagdag-singil sa kuryente ang Manila Electric Company (Meralco) ngayong buwan ng Disyembre.
Sa abiso ng Meralco nitong Martes, nabatid na dahil sa naturang dagdag-singil ang kanilang overall power rate ay magiging ₱11.9617/kWh na mula sa dating ₱11.8569/kWh lamang noong Nobyembre.
Nangangahulugan ito ng karagdagang ₱21 na bayarin para sa mga tahanang nakakakonsumo ng 200 kwh kada buwan; ₱31 sa mga nakakagamit ng 300 kwh; ₱42 sa mga nakakakonsumo ng 400 kwh at ₱52 naman sa mga nakakagamit ng 500 kwh kada buwan.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga na ang pagtaas ng singil sa kuryente ngayong buwan ay bunsod ng pagtaas ng generation charge.