Tumagal ng halos apat na minuto ang pagsabog ng Bulkang Kanlaon noong Lunes ng hapon, Disyembre 9, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Matatandaang dakong 3:03 ng hapon nang iulat ng ahensya ang naturang pagsabog ng bulkan, dahilan kung bakit nila itinaas ito sa Alert Level 3 (magmatic unrest).
BASAHIN: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang Phivolcs ng 20 volcanic earthquakes, kabilang ang tatlong minuto at 55 segundong pagsabog ng Bulkang Kanlaon.
Nagdulot ito ng 1669 toneladang sulfur dioxide flux at 4000 metrong taas na plume (o malakas na pagsingaw) mula sa namamagang bunganga ng bulkan.
Ayon sa Phivolcs, maaaring maganap ang mga sumusunod:
- Biglaang pagsabog
- Pagbuga ng lava
- Pag-ulan ng abo
- Pyroclastic Density Current (PDC)
- Rockfall
- Pagdaloy ng lahar kung may malakas na pag-ulan.
Samantala, patuloy pa ring hinihikayat ng ahensya na lumikas na ang mga residenteng nakatira sa 6 kilometrong radius mula sa tuktok ng bulkan.