Mahigpit ang paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na maghinay-hinay sa pagkonsumo ng mga pagkaing matataba, matatamis at maaalat ngayong holiday season.
Ang paalala ay ginawa ni DOH Spokesman Assistant Secretary Albert Domingo kasunod na rin ng kaliwa’t kanang mga pagtitipon, gaya ng mga Christmas party at reunion, na dinadaluhan ng mga Pinoy dahil na rin sa nalalapit na panahon ng kapaskuhan.
Ayon kay Domingo, ang pagkonsumo ng mga pagkaing matataba, matatamis at maaalat ay makasasama sa kalusugan at maaaring magdulot ng karamdaman sa isang tao.
“‘Yang tatlong ‘yan—asin, asukal, at taba—’yan ang mga bagay na maaaring maging sanhi ng sakit katulad ng altapresyon, diabetes, o kaya ‘yung iba pang mga non-communicable diseases, kasama na ‘yung pagiging overweight or obese na nagiging problema sa ating puso at iba pang bahagi ng katawan,” paliwanag pa ni Domingo, sa isang public briefing.
Bukod dito, dapat din aniyang maging disiplinado ang mga Pinoy sa pagkonsumo ng mga nakalalasing na inumin, dahil bukod sa maaaring makasama rin ito sa kalusugan, ay maaari rin itong magdulot ng aksidente.
Pinayuhan din naman niya ang publiko na gamitin ang “Pinggang Pinoy” bilang food guide sa panahon ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, upang mapanatili pa rin ang isang balanced at healthy diet.
Dagdag pa ni Domingo, mas makabubuti kung mag-ehersisyo upang kaagad ring masunog ang labis na pagkaing ating kinakain.
“At dahil marami tayong kinakain, lagyan mo ‘yan ng ehersisyo. Galaw galaw para ‘wag agad pumanaw. Para bawas tayo sa nakakain nating kaloriya,” aniya pa.