Iginiit ni Makabayan President Liza Maza na kung maiakyat na sa Senado ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ay dapat bumoto para dito ang mga senador kung gusto umano nilang “maglinis sa gobyerno.”
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Maza sa isinagawang pagtitipong ng iba’t ibang human rights advocates sa harap ng Department of Justice nitong Martes, Disyembre 10, sinabi ni Maza na dapat gamitin ng mga mambabatas ang kanilang konsensya sa pagboto hinggil sa mga impeachment complaint laban kay Duterte.
“Ang mensahe ko sa mga senador, gamitin po natin ang ating konsensya at ang ating matalinong pag-aaral doon po sa impeachment complaint kasi nandoon din naman po ang mga ebidensya at kayo rin po ay naging parte ng deliberations diyan. Kaya’t sana naman this time ay bumoto kayo para sa bayan hindi para sa sarili ninyo lang,” ani Maza.
“Umaasa naman kami na kung kayo ay magboboto para sa impeachment complaint ay senyales ito na gusto n’yo rin talaga na maglinis sa ating gobyerno,” dagdag niya.
Ayon pa sa dating representante ng Gabriela Partylist, ang mga tututol daw sa impeachment complaint laban sa bise presidente ay nangangahulugang “tino-tolerate” umano ang mga anomalya ng mga opisyal ng pamahalaan.
“Kung hindi naman kayo boboto sa impeachment complaint, malinaw din ang mensahe na tino-tolerate ang ganitong mga anomalya at ganitong mga ilegal na acts mula sa ating matataas na opisyales ng gobyerno. At marahil, titingnan natin kung ano ang magiging pagtingin ng taumbayan sa inyo lalo na't darating na ang eleksyon sa susunod na taon,” giit ni Maza.
Sa kasalukuyan ay dalawa ang impeachment complaints na ang inihain sa Kamara laban kay Duterte kung saan isa rito ay kasama si Maza sa mga tumayong complainant.
MAKI-BALITA: Grounds ng impeachment laban kay VP Sara, inisa-isa ng civil society leaders
MAKI-BALITA: Paghahain ng ikalawang impeachment case vs VP Sara, sinabayan ng protesta!
Nakasaad sa Konstitusyon at House Rules na kinakailangan ng 1/3 mula sa kabuuang bilang ng mga miyembro ng Kamara ang pirmado sa impeachment resolution bago ito maiakyat at isumite sa Senado.
Kaugnay nito, iginiit ni Maza na kung gagamitin lamang umano ng mga kongresista ang kanilang “konsensya,” mas mapapadali umano ang proseso ng pag-akyat ng impeachment complaint sa Senado dahil malinaw raw ang mga “grounds” na nakasaad laban sa bise presidente.
“Kung titingnan natin, yung mga facts doon sa aming impeachment complaint, galing din naman doon sa mga hearing ng Kongreso. Kaya ‘yang mga dokumentong iyan ay alam na rin nila. So I don’t think that it would take time for them to review this,” ani Maza.
“Ang linaw-linaw naman ng mga ebidensya galing mismo doon sa Congressional hearings. Kaya madali na rin lamang kung gagamitin talaga nila ang kanilang konsensya na bumoto para sa impeachment complaint,” saad pa niya.
Matatandaang ang Senado ang tanging may kapangyarihang magpasya sa lahat ng mga kaso ng impeachment. Maaaring hatulan ng Senado ang opisyal sa pamamagitan ng “two-thirds” ng boto mula sa mga miyembro nito.