Tila naging mapili na ngayon ang "Queen of Soap Opera" na si Judy Ann “Juday” Santos-Agoncillo sa mga proyektong kaniyang gagawin.
Sa ulat ng GMA Entertainment nitong Martes, Disyembre 10, sinabi umano ni Juday sa grand media launch ng “Espantaho” na gusto niyang gumawa ng proyektong ikaka-proud ng sarili niya at ng kaniyang mga anak.
“Noong bagets ako—alam n'yo 'yan—lumalagari ako ng limang projects. Sabay-sabay. Hanggang sa hindi ko na alam kung sino na ba ako sa pinapasok ko ngayong araw na 'to. Kailangan kong tanungin kung sino ang kasama ko, sino ang leading man ko, sino ang direktor ko; ano ba 'to, action o drama,” lahad ni Juday.
“Na-realize ko na hindi siya healthy sa craft na tatanggap ka lang nang tatanggap ng hindi mo pinupulido kung ano ‘yong trinatrabaho mo. Unfair, hindi na ito pera-pera lang,” wika niya.
Dagdag pa ng aktres, “Nandoon na ako ngayon sa gawa tayo ng mga proyekto kasi gusto ko ito mapanood ng mga anak namin. Gusto ko, proud sila sa nanay nila. Gusto ko, proud din ako sa trabaho ko at sa craft ko.”
Kaya naman excited na raw si Juday na mapanood ng kaniyang mga anak ang “Espantaho” dahil mahilig sa horror ang mga ito.
Aniya, “Malaking factor talaga ang factor ng mga anak namin dito sa pagtanggap ko sa ‘Espantaho,’ hangga't may lakas pa ‘yong nanay nilang manakot.”
Matatandaang ang naturang pelikulang idinirek ni Chito S. Roño ay magiging lahok sa darating na 2025 Metro Manila Film Festival.
MAKI-BALITA: 2nd batch ng official film entries sa MMFF 2024, pinangalanan na!