Tila na-swipe wrong sa isang dating app ang isang ginang dahil ang inakalang "Mr. Right," scammer pala?
Dumulog sa Wanted sa Radyo kamakailan si Carmencita Pantoja para mabawi raw ang perang iniscam sa kaniya ng umano'y foreigner na nakilala niya sa isang dating app.
Kuwento niya, okay naman daw ang pag-uusap nila lalo't parehas naman daw silang wala ng asawa.
"Okay naman. Gusto niya ako. Gusto niya raw ako maging asawa kaso balo siya wala raw siyang mga anak. Sabi ko, ako balo ako. Tatlo ang anak ko pero hindi na ako nag-asawa," ani Carmencita.
Nag-umpisa ang usapin tungkol sa pera no'ng nagpadala raw ng cheke ang nagngangalang "Mr. Henric Parker" na nagpakilala na secretary ng isang kompanya sa Palawan--kung saan daw nagtatrabaho ang nakilala niyang umano'y foreigner na si "Mattias Hueber Liam."
Sabi raw sa kaniya no'ng "Mr. Parker" kailangan daw niyang magbigay ng pera para daw makapagbukas ng account sa bangko si Mattias at madeposit 'yong laman ng cheke.
Nang beripikahin ni Atty. JV Bernardez ng ACT-CIS Partylist ang naturang cheke, ito raw ay peke dahil wala raw nakalagay na check number, account number, at ang mga pirma daw ay electronic signature, na aniya'y hindi tinatanggap sa mga bangko.
Ayon kay Carmencita umabot sa ₱111,000 ang kabuuang halaga ang ipinadala niya kay Mattias via GCash. Ang siste pa, nagawa pa niyang mangutang at ibenta ang bahay niya para may maipadala lang kay Mattias, na hindi niya pa nakikita miski sa video call.
Saad ni Atty. Bernardez, hindi na raw bago ang kaso ni Carmencita.
"Hindi po bago 'yong nangyari sa inyo. Marami na po tayong na-handle rito sa programa na halos ganito rin 'yong modus po na nangyari. Sa mga natanggap po naming reklamo rito iisa lang naman 'yong nagiging findings namin d'yan e. Pekeng tao. Hindi totoong tao itong si Mattias Hueber Liam. In fact, 'yong pangalan pa lang it sounds fake na rin e. 'Yong Mr. Parker na kausap po ninyo malamang hindi rin po totoo 'yan," aniya.
Dagdag pa niya, buti na lamang daw ay GCash ang ginamit ni Carmencita sa pagpapadala dahil kahit papaano raw ay may makukuha silang impormasyon gamit ang reference number ng transaksyon.
Nakipagtulungan ang Wanted sa Radyo sa NBi Anti-Cybercrime upang maberipika ang may-ari ng GCash account na may ngalang "Annabelle S."
Samantala, tinawagan ang anak ni Carmencita na si Byron tungkol sa pagdulog ng kaniyang ina sa Wanted sa Radyo.
Ayon kay Byron, alam niya ang tungkol dito, at nauna na niyang pinagsabihan ang kaniyang ina tungkol sa posibleng scammer pero hindi raw ito nakinig sa kaniya.
"Alam ko na po 'yan kaso nga lang pinagsabihan ko na rin po talaga siya. Ayaw po niyang maniwala," aniya.
Buwelta naman ni Carmencita, "kapag nakakausap ko siya [Mattias] parang lagi lang akong oo, yes gano'n... pero ang gusto ko lang mangyari [ngayon] mabawi ang pera..."