Kinumpirma ng Copernicus Climate Service na posibleng maitala ngayong 2024 ang pinakamainit na temperatura ng mundo.
Ayon sa inilabas na anunsyo ng nasabing ahensya nitong Lunes, Disyembre 9, 2024, nakapagtala ng mas mataas na temperatura ang taong 2024, mula Enero hanggang Nobyembre, kumpara noong 2023.
"At this point, it is effectively certain that 2024 is going to be the warmest year on record,” anang ahensya.
Noong Nobyembre nitong taon, pumalo ang temperatura ng mundo sa 13.10C o (57.38F), habang nasa 14.98C (59F) naman ang nakaraang taon.
Samantala, ayon sa ulat ng international news media na Associated Press (AP) News, pumalo umano ng 100 degrees Fahrenheit o katumbas ng (37.7 celsius) ang temperatura ng mundo sa loob ng 113 araw.
Nagbabala na rin umano ang ilang eksperto tungkol sa posibilidad pa raw na paglala ng climate change kung sakaling tumaas pa raw sa 1.5C ang temperatura ng mundo sa susunod na taong 2025.
Matatandaang noong 2015 ay nagkaroon ng tinatawag na Paris Agreement, kung saan nagkasundo ang ilang bansa sa buong mundo na kontrolin ang emission ng fossil fuel upang makabawas sa pagtaas ng temperatura ng mundo.
Ayon naman sa isang Switzerland based insurance company, tinatayang nasa $310 billion umano ang kabuuang economic losses ngayong 2024 mula sa pagbaha sa Spain at Kenya, magkakasunod na bagyong tumama sa Estados Unidos at Pilipinas, at tagtuyot na may kasamang wildfire sa South America.