Tatapusin na ng House Committee on Good Government and Public Accountability ngayong Lunes, Disyembre 9, ang pagdinig nito hinggil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Committee chair at Manila 3rd District Rep. Joel Chua, ngayong Lunes na isasagawa ang kanilang huling pagdinig at pag-wrap up ng kanilang imbestigasyon hinggil sa umano’y ₱612.5 million confidential funds ni Duterte na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) at sa Department of Education (DepEd) noong siya pa lamang ang kalihim nito.
Sinabi rin ni Chua na pagkatapos ng kanilang pagdinig hinggil sa confidential funds ay posibleng iproseso na nila ang impeachment complaints laban kay Duterte.
Habang sinusulat ito’y dalawang impeachment complaints na ang inihain sa Kamara laban sa bise presidente.
MAKI-BALITA: Grounds ng impeachment laban kay VP Sara, inisa-isa ng civil society leaders
MAKI-BALITA: Paghahain ng ikalawang impeachment case vs VP Sara, sinabayan ng protesta!
Samantala, matatandaang pagkatapos ng pitong mga pagdinig ng komite hinggil sa confidential funds ni Duterte, ilan sa mga lumabas sa imbestigasyon ang umano’y mga iregularidad sa paggamit ng ₱500 milyong confidential funds ng OVP sa pagitan ng huling bahagi ng 2022 at third quarter ng 2023, at maging ng ₱112.5 milyon sa DepEd noong 2023 noong siya pa lamang ang kalihim ng ahensya.
Bukod dito, kamakailan lamang ay isiniwalat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na wala silang kahit anong record para sa isang personalidad na “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin” na nakipagtransaksyon umano sa OVP.
MAKI-BALITA: ‘Hindi nag-eexist?’ Mary Grace Piattos, walang kahit anong record sa PSA
MAKI-BALITA: 'Kokoy Villamin' na pirmado rin sa mga transaksyon ng OVP, walang records sa PSA?