December 26, 2024

Home BALITA National

Desisyon sa impeachment trial vs VP Sara, ‘walang assurance’ na magiging patas – Pimentel

Desisyon sa impeachment trial vs VP Sara, ‘walang assurance’ na magiging patas – Pimentel
Sen. Koko Pimentel at VP Sara Duterte (Facebook; file photo)

Iginiit ni Senador Koko Pimentel na wala umanong “assurance” na magiging patas ang desisyon ng mga senador sa posibleng paglilitis sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng DWIZ nitong Sabado, Disyembre 7, sinabi ni Pimentel na dapat maging mapagmatyag ang taumbayan kapag naiakyat at isinailalim na sa trial ang impeachment kay Duterte dahil wala raw kasiguraduhang magiging patas ang lahat ng mga senador sa pagboto rito.

“Walang assurance. Ang taumbayan ang assurance, so maging vigilant [dapat] ang taumbayan. Una sa lahat maging interesado sila sa impeachment trial, kasi kung walang interesado diyan, eh ‘di pwede nang gawin ng senador ang gusto niyang gawin,” ani Pimentel.

“So kailangang interesado muna ang taumbayan, nagsusubaybay sila sa trial, eh ‘di meron silang sariling opinyon kung guilty ba o not guilty. And then i-pressure nila yung mga senator/judges kasi nga mga politiko rin naman kami. May access sa’min ang mga tao,” dagdag niya.

National

Ilang araw bago ang New Year: Bilang ng mga naputukan, pumalo na sa 69

Samantala, sinabi rin ng senador na dapat din daw galangin ng taumbayan ang maging desisyon ng mga senador hinggil sa impeachment at singilin na lamang ang mga ito sa eleksyon.

“Yung desisyon natin, galangin din ng taumbayan. Kung para sa kanila napakabigat yung disagreement nila sa desisyon namin, eh ‘di sa next election na nila kami singilin,” saad ni Pimentel.

Samantala, sinang-ayunan din ni Pimentel ang naging pahayag ni Senate President Chiz Escudero na hindi dapat magkomento ang mga senador hinggil sa isyu ng “impeachment” dahil sila raw sa Senado ang nakatalagang duminig sa mga kaso ng impeachment.

MAKI-BALITA: SP Chiz, nanawagan sa mga senador na ‘wag magkomento sa 'impeachment' vs VP Sara

Habang sinusulat ito’y  dalawang impeachment complaints na ang inihain sa Kamara laban sa bise presidente.

MAKI-BALITA: Grounds ng impeachment laban kay VP Sara, inisa-isa ng civil society leaders

MAKI-BALITA: Paghahain ng ikalawang impeachment case vs VP Sara, sinabayan ng protesta!

Iaakyat sa Senado ang naturang mga reklamo kung makakalap ng mahigit 100 lagda mula sa mga miyembro ng Kamara.