Pinabulaanan ng ilang senador ang umuugong na mga balita tungkol sa umano’y pagkalas daw nila sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Chiz Escudero sa senado.
Sa isang ambush interview nitong Lunes, Disyembre 9, 2024, tinawag ni Senate Majority Leader JV Ejercito na pawang “CHIZmis” lang daw ang naturang pagpapatalsik kay Escudero.
“Wala yun, rumors lang yun. CHIZmis lang yun, kasi so far okay naman ang performance, I think. Satisfied naman karamihan ng senators, marami namang natapos, kailangang tapusin so I don’t think there’s a truth to that rumor,” ani Ejercito.
Ayon sa ulat ng isang local media outlet, kamakailan daw ay umugong ang mga bali-balita patungkol sa kudeta kaugnay ng liderato ng senado kung saan nakatakda raw iluklok si Sen. Cynthia Villar.
Samantala, pinabulaanan naman ito ng senadora at sinabing wala raw siyang balak manggulo.
“Ako ang mag Senate President? Tapos na ang senado manggugulo pa tayo,” anang senadora.
Inihayag naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang kaniyang pagsuporta kay Escudero at sinabing anumang “ouster attempts,” na makarating sa kaniya laban sa Senate President ay tahasan daw niyang igigiit ang suporta kay SP Chiz.
“Wala, e sino namang maglalakas ng loob na lapitan ako alam naman nilang I’ve been supportive of the leadership of Senate President Escudero?” ani Estrada.
Itinanggi rin ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang nasabing pagluloklok kay Sen. Cynthia at sinabing magkaibigan daw sila ni Escudero.
“Kapag si Sen. Villar automatic kasama ako [sa boboto] kung totoo yan – kasi kaibigan kami ‘di ba? Very close kami. Kaibigan din kami ni Chiz, pero wala ha. Wala akong narinig,” giit ni dela Rosa.
Matatandaang nanumpa si Escudero noong Mayo bilang ika-25 Senate President matapos ang matagumpay na pagpapatalsik ng ilang senador kay noo’y Senate President Miguel Zubiri.