Dalawang beses naitala ang pag-alburoto ng Bulkang Kanlaon ngayong 2024.
Una nang naiulat noong Hunyo 3 ang pagputok nito matapos ang umano’y apat na taong abnormal condition at period of unrest ng bulkan.
Kaya naman kinabukasan ng Hunyo 4 ay itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 2 ang Kanlaon bagama’t 2020 pa lang ay nasa Alert Level 1 na ito.
MAKI-BALITA: Bulkang Kanlaon, nakataas sa Alert Level 2
At nitong Lunes, Disyembre 9, tuluyan nang itinaas ng Phivolcs sa Alert Level 2 ang bulkan ilang sandali matapos maiulat ang muling pagputok nito.
Dahil dito, nag-abiso ang mga lokal na pamahalaan na lumikas sa 6 na kilometrong radius mula sa summit ng bulkan at maghanda ng karagdagang paglikas kung kinakailangan.
MAKI-BALITA: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!
Ngunit ano nga ba ang kuwento sa likod ng Bulkang Kanlaon na kilala rin bilang Bundok Kanlaon?
Maraming nagsusulputang bersyon ng kuwentong alamat tungkol sa pinagmulan ng Bundok Kanlaon. May nagsasabing nabuo raw ang naturang bundok dahil sa sama-samang pag-iipon ng lupa ng mga taga-Negros na iniutos umano ni Haring Laon upang makaligtas sila sa panganib na dala ng malakas na pag-ulan.
Samantala, ayon naman sa isa pang bersyon ng kuwento, nagsimula raw ito sa magkasintahang sina Kang at Laon na kalaunan ay nasawi bago ang araw ng kanilang kasal matapos lipulin ng pangkat ng isang datu ang kanilang komunidad. Magkasamang inilibing sina Kang at Laon sa isang lugar. Hanggang sa may lumitaw umanong munting burol sa lugar kung sila inilibing. Sa paglipas ng panahon, unti-unti itong lumaki at tumaas hanggang sa maging bundok. At bilang pagkilala sa pagmamahalan nina Kang at Laon, tinawag nila ito batay sa pangalan ng dalawang magkasintahan.
Pero alam naman natin na ang mga ganitong uri ng kuwento ay bahagi lamang ng malikot at mayamang guni-guni ng ating mga ninuno bilang paraan upang bigyang-paliwanag ang mga penomeno sa ginagalawan nilang paligid na naipasa sa kasalukuyang henerasyon, na kilala rin nga sa tawag na alamat.
Kung pagbabatayan ang paliwanag ng mga eksperto at paham ng agham, nabubuo ang bulkan dahil sa paggalaw umano ng tectonic plates.
Ayon sa UB Explainer ng GMA Integrated News: “Bahagi ang Pilipinas ng tinatawag ng Ring of Fire na matatagpuan sa paligid ng Pacific Ocean. Sa Pacific Ring of Fire, nagtatagpo ang tectonic plates—o mala-piras ng jigsaw puzzle na bumubuo sa mundo. Patuloy na gumagalaw ang tectonic plates dahil sa magma sa ilalim ng lupa.
“Kung minsan ay nagbabanggaan ang dalawang plate at pumapailalim ang isa. Dahil dito ay nagkakaroon ng pressure sa ilalim ng lupa at umaangat ang magma at nagdudulot ng volcanic eruption. Kung minsan naman ay naglalayo ang dalawang tectonic plate. Umaangat ang magma sa puwang na iniwan ng dalawang plate. Kapag nangyari ito sa bahagi ng dagat maaaring magkaroon ng volcanic island,” saad dito.
Dagdag pa: “Kung minsan naman, kahit hindi magbanggaan o maghiwalay ang tectonic plates ay lumulusot ang magma sa tinatawag na hotspot ng tectonic plate.”
Ang Bulkang Kanlaon ay isang uri ng bulkan na kung tawagin ay stratovolcano tulad ng Bulkang Mayon. Mataas kasi ito at hugis-apa ang korte. Binubuo rin ito ng iba’t ibang suson ng matitigas na lava, tephra, at volcanic ash. Isa ito sa mga aktibong bulkan sa bansa. 2017 ng Disyembre 20 nang huli itong sumabog.
Bukod pa rito, itinuturing din ang Kanlaon bilang isa sa mga pinakamataas na bundok. May tayog itong 2,465 meters o 8,087 feet above sea level. Sa katunayan, naitala ito bilang “42nd-highest peak of an island in the world.”