Nagdulot ng makakapal na ash fall ang pagputok ng bulkang Kanlaon nitong Lunes, Disyembre 9, 2024.
Ayon sa ulat ng GMA TV Regional News, isa ang Barangay Ilijan sa Bago City sa Negros Occidental sa nakaranas ng direktang ash fall mula sa bulkan.
Sa ibinahaging mga larawan ng naturang news outlet makikita ang makakapal na abo sa kalsada at litrato ng braso ng isang tao na animo’y napatakan ng nasabing gabok mula sa bulkan.
Ilang netizen na rin ang nagbahagi ng ilang larawan mula pa rin sa Bago City, kung saan ilang sasakyan na rin umano ang halos nabalot ng ash fall dahil sa bulkan.
Itinaas sa Alert level 3 ang bulkang Kanlaon na ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ay umabot ng 3,000 metro ang taas ng mga ibinuga ng naturang bulkan na maaari pang magdulot ng magmatic eruption.
KAUGNAY NA BALITA: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!
Samantala, may abiso na rin ang lahat ng Local Government Unit (LGU) ng force evacuation para sa mga lugar na sakop ng six-kilometer radius mula sa sentro ng bulkan.