Nito lamang Lunes, Disyembre 9, nang itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang status ng Bulkang Kanlaon sa Alert Level 3 kasunod ng pagputok nito.
Ayon sa Phivolcs, kailangang itaas ang status ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island mula Alert Level 2 (increasing unrest) patungong Alert Level 3 (magmatic unrest) matapos magbuga ang bulkan ng makapal na usok na mabilis na tumaas hanggang 3,000 metro sa bukana nito.
MAKI-BALITA: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!
Kaugnay nito, ibinahagi rin ng Phivolcs ang alert level status ng iba pang mga aktibong bulkan sa Pilipinas. Narito ang mga sumusunod:
Bulkang Mayon sa Albay – Alert Level 1 mula noong Marso 5, 2024
Ayon sa Phivolcs, nangangahulugan ang pagiging Alert Level 1 ng Mayon na “abnormal” ang lagay nito dahil sa “low level unrest” at bahagyang pagtaas ng “seismicity.”
“Slight increase in SO2 gas output above the background level. Very faint glow of the crater may occur but no conclusive evidence of magma ascent. Phreatic explosion or ash puffs may occur,” anang Phivolcs.
Bulkang Taal sa Batangas – Alert Level 1 mula noong Hulyo 11, 2022
Inilarawan ng Phivolcs ang pagiging Alert Level 1 ng Bulkang Taal bilang “low level unrest.”
“Moderate level of seismic activity with some felt events; Main Crater Lake gas (diffuse CO2) emission >1,000 tonnes/day, slight increases in fumarole and/or Main Crater Lake temperatures and acidity; Slight and/or localized inflationary ground deformation changes in TVI,” saad ng Phivolcs.
Bulkang Pinatubo sa Pampanga, Zambales, at Tarlac – Alert Level 0 mula Agosto 12, 2021
Inihayag ng Phivolcs na “normal” ang lagay ng Pinatubo sa kasalukuyan kung saan mas mababa sa limang beses sa isang araw ang nagaganap na pagyanig dito.
“Caldera lake CO2 flux <1000 tonnes/day,” saad din ng Phivolcs.
Bulkang Bulusan sa Sorsogon – Alert Level 0 mula Nobyembre 12, 2024
“Quiet” o “no alert” ang lagay ng Bulusan sa kasalukuyan, ayon sa Phivolcs.
Dagdag ng ahensya: “Unremarkable level of volcanic earthquakes occurring within the volcano area. Generally weak steam emission.”
Samantala, inihayag din ng Phivolcs na patuloy silang nagsasagawa ng monitoring at assessment hinggil sa naturang mga aktibong bulkan sa Pilipinas.
Kaya naman, inabisuhan ng ahensya ang publikong bisitahin ang kanilang website sa www.phivolcs.dost.gov.ph o i-download ang kanilang Volcano PH Info mobile app para sa Android devices upang makakuha ng update hinggil sa mga aktibong bulkan.