Nagbigay ng mensahe si House Speaker Martin Romualdez sa mga nagpakalat daw ng pekeng balita patungkol sa kaniyang kalusugan.
Nitong Sabado ay naging usap-usapan ang umano'y pagkaka-stroke niya na naging dahilan para isugod daw siya sa ospital. May bersyon pang na-comatose daw siya dahil dito.
Pero nitong Linggo, Disyembre 8, sinagot mismo ni Romualdez ang mga alegasyon patungkol sa kaniyang lagay, sa pamamagitan ng isang video interview mula sa Office of the Speaker, na ibinahagi naman sa X account ng NewsWatch Plus PH.
"Ay sus, mag-ingat lang tayo sa fake news, nandito lang ako buong araw no, nagsho-shooting ng mga Christmas messages, at iba pa," paliwanag ni Romualdez.
"Mamaya, manonood ako ng pelikula kasama ng pamilya ko. Kahapon naman, ang mga kasama ko ay mga governors, nag-dinner po kami," aniya.
Sinabi rin ni Romualdez na nakatulog daw siya nang maayos at nakapahinga.
"Kagabi naman, hindi naman ako napuyat at ang sarap ng tulog ko, at saka wala akong maagang appointment kaya himbing na himbing ang tulog ko, kaya refreshed na refreshed ako, kaya kumbaga ironic [sa mga lumabas na isyung na-stroke siya]. I feel very very strong and very energetic, lalo na nitong araw na ito," aniya.
Kaya pakiusap niya sa lahat na huwag daw basta maniniwala sa fake news, at naniniwala raw siyang pakana ito ng kaniyang detractors lalo na sa mga hearing na nagaganap kamakailan sa House.
Mensahe niya sa mga nagpapakalat ng fake news laban sa kaniya, "Ay sana na lang huwag na lang magpakalat ng fake news, let us just work together, positive tayo lalo na't Pasko ngayon."
MAKI-BALITA: Romualdez masarap daw tulog, nag-react sa balitang na-stroke, naospital siya