Pinabulaanan mismo ni House Speaker Martin Romualdez ang mga kumalat na balitang na-stroke siya, isinugod sa ospital, at na-comatose pa dahil dito.
Sa isang video interview, makikita mismo ang nakangiting si Romualdez habang sinasagot ang mga tanong patungkol sa tinawag niyang "fake news."
"Ay sus, mag-ingat lang tayo sa fake news, nandito lang ako buong araw no, nagsho-shooting ng mga Christmas messages, at iba pa," paliwanag ni Romualdez.
"Mamaya, manonood ako ng pelikula kasama ng pamilya ko. Kahapon naman, ang mga kasama ko ay mga governors, nag-dinner po kami," aniya.
Sinabi rin ni Romualdez na nakatulog daw siya nang maayos at nakapahinga.
"Kagabi naman, hindi naman ako napuyat at ang sarap ng tulog ko, at saka wala akong maagang appointment kaya himbing na himbing ang tulog ko, kaya refreshed na refreshed ako, kaya kumbaga ironic [sa mga lumabas na isyung na-stroke siya]. I feel very very strong and very energetic, lalo na nitong araw na ito," aniya.
Kaya pakiusap niya sa lahat na huwag daw basta maniniwala sa fake news, at naniniwala raw siyang pakana ito ng kaniyang detractors lalo na sa mga hearing na nagaganap kamakailan sa House.
Sa isang pahayag nitong Sabado, Disyembre 7, iginiit ng Head Executive Assistant ng Office of the Speaker na si Atty. Lemuel Erwin Romero na nais lamang umanong iligaw ang publiko ng nasabing kumakalat na maling impormasyon tungkol kay Romualdez.
Binanggit din ni Romero na maayos ang kondisyon ng kalusugan ni Romualdez, 61-anyos, at patuloy raw na ginagampanan ang kaniyang tungkulin bilang lider ng Kamara.
MAKI-BALITA: Speaker Martin Romualdez hindi totoong na-stroke, ayon sa kaniyang opisina