Nasa mahigit 30,000 mga bata mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang nakatanggap ng maagang pamasko mula sa Balik Sigla, Bigay Saya Year 3: A Nationwide Gift-Giving Day, Linggo, Disyembre 8.
Ayon sa Facebook post ng Presidential Communications Office (PCO), mismong First Family ang nagsagawa nito sa Malacañang grounds, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na nag-utos sa mga ahensya na siguruhing madarama ng bawat komunidad ang diwa ng Pasko, lalo na sa kabila ng mga nagdaang kalamidad.
Bukod kay First Lady Liza Araneta Marcos, makikitang kasama nilang nakihalubilo sa mga batang recipient ang mga anak na sina Vinny at Simon.
2,199 mga bata ang dumalo mismo sa Malacañang grounds at 27,899 naman ang nasa livestream na nagmula sa 17 local government units (LGU) at 62 Department of Social Welfare and Development (DSWD) centers sa buong bansa.
Bawat bata ay nabigyan ng kiddie gift set na naglalaman ng trolley bag, unan, kapote, medyas, face at hand towel, tumbler, at relo.
Pinasaya naman nila ang mga bata sa pamamagitan ng inflatables, trackless train, circus acts, pabitin, at marami pang iba.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni PBBM na masaya siyang makita ang mga bata sa Malacañang.
“Basta’t ‘pag Pasko ito’y ino-open house namin dahil ganiyan talaga ang naging tradisyon sa pamilya namin, Pamilya Marcos. Noong bata pa ako at dito pa kami nakatira, basta’t Pasko mayroon kaming handa para sa ating mga maliliit na inaalagaan kaya nandito po tayo ulit,” anang pangulo.
“Kagaya nga ng sabi ko ang Pasko naman ay para sa mga kabataan kaya’t tinitiyak natin na kahit sino at napadpad sa malalayo, sa kanilang pamilya, sa kanilang mga mahal sa buhay ay kahit paano ay mayroon din silang Pasko,” dagdag pa.