Nagbigay ng paalala ang Embahada ng Pilipinas sa Korea tungkol sa pakikilahok ng mga Pilipino sa anomang anyo ng kilos-protesta at demonstrasyon sa gitna ng nabubuong sigalot sa naturang bansa.
Sa Facebook post ng Philippine Embassy in Korea nitong Linggo, Disyembre 8, sinabi nilang labag umano sa batas ng Republika ng Korea ang pakikisangkot ng mga dayuhan sa ganitong aktibidad.
“Sa ilalim ng mga batas ng Republika ng Korea (ROK), mahigpit na ipinagbabawal ang mga dayuhan na makibahagi sa ganitong uri ng pampulitikang aktibidad,” saad ng embahada.
Dagdag pa nila, “Ang paglabag sa patakarang ito ay maaaring magresulta sa legal na parusa sa ilalim ng Article 17 ng Immigration Control Act (Sojourn and Departure of Foreigners) ng South Korea.”
Kaya naman upang hindi magkaroon ng aberya ang pananatili ng mga Pilipino sa South Korea, inabusihan silang sumunod sa mga umiiral na batas at regulasyon sa nasabing bansa.
Samantala, para naman sa mga tanong o paglilinaw, maaaring makipag-ugnayan sa embahada sa pamamagitan ng mga sumusunod: [email protected] o 010-9263-8119.
Matatandaang nakaugat ang kilos-protestang isinasagawa ng mga taga-South Korea sa kagustuhang mapatalsik sa pwesto si President Yoon Suk Yeol matapos nitong magdeklara ng Batas Militar kamakailan.