Tinawag ng National Security Council (NSC) na “political opportunism” ang naging pag-endorso ng Makabayan bloc sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang press conference nitong Biyernes, Disyembre 6, na iniulat ng Manila Bulletin, sumang-ayon si NSC Asst. Director General Jonathan Malaya sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pag-aaksaya lamang umano ng oras ang pagsasampa ng impeachment complaint laban sa bise presidente.
MAKI-BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara
Dagdag ni Malaya, ginagawa lamang umano ng mga miyembro ng Makabayan bloc na sina ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Rep. Arlene Brosas, at Kabataan Rep. Raoul Manuel na oportunidad sa politika ang impeachment complaint laban kay Duterte lalo na’t malapit na umano ang 2025 midterm elections.
“The position of the NTF-ELCAC is very clear: we agree with the President [Marcos Jr.]. We agree that the Makabayan's impeachment of VP Sara is a destruction from the more urgent issues facing the country. The President is correct, it will tie down the Senate, it will tie down the House,” ani Malayo.
“Now, Makabayan's call for impeachment, they are filing cases left and right, why are they doing that? Again, very clearly, it is political opportunism and political mileage,” giit pa niya.
Kamakailan lamang ay binatikos ng Makabayan bloc si Malaya dahil sa panre-redtag umano sa kanila nito at pag-uugnay sa kanila sa umano’y destabilization plot sa pamamagitan ng impeachment.
“We never said that the impeachment is destabilization. What we said was that the violent action by the Left in Mendiola last Bonifacio Day is an attempt to manufacture a political crisis and create violence in the streets,” sagot naman ni Malaya.
Matatandaang noong Miyerkules, Disyembre 4, nang iendorso ng Makabayan bloc sa Kamara ang impeachment complaint na inihain ng nasa 75 indibidwal laban kay Duterte.
MAKI-BALITA: Paghahain ng ikalawang impeachment case vs VP Sara, sinabayan ng protesta!
Ang isinumite ng Makabayan bloc ang ikalawang impeachment complaint laban sa bise presidente, kasunod ng naunang reklamong inihain ng iba’t ibang civil society leaders na inendorso naman ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña.
MAKI-BALITA: Grounds ng impeachment laban kay VP Sara, inisa-isa ng civil society leaders