Hindi na kailangang muling imbitahin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na pagdinig ng House quad committee (quad-comm) hinggil sa madugong giyera kontra droga ng administrasyon nito, ayon kay quad-comm overall chairman at Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers.
Sa panayam ng mga mamamahayag na iniulat ng Manila Bulletin nitong Sabado, Disyembre 7, sinabi ni Barbers na sapat na umano ang mga isiniwalat ni Duterte sa kaniyang unang naging pagdalo sa quad comm hearing noong Nobyembre 13.
"No need na siguro, because yung 12-hour, 13 hours na meeting natin sa kaniya, basically yun na yung gusto nating marinig, a little more than what he revealed or what he admitted in the Senate," ani Barbers.
"So sa tingin ko, sufficient na yun," dagdag pa niya.
Nakatakdang isagawa ang susunod na pagdinig ng quad comm sa Huwebes, Disyembre 12, at susundan pa raw ito ng mga susunod na hearing sa susunod na taon.
Matatandaang sa isinagawang pagdinig ng House quad comm noong Nobyembre 13, naglabas ng ilang mga pahayag si Duterte, kung saan sinabi rin niyang dapat umanong magmadali na ang International Criminal Court (ICC) sa pag-imbestiga sa war on drugs ng kaniyang administrasyon.
“Magpunta na sila rito bukas. Umpisahan na nila ang investigation. And if I found guilty, I will go to prison,” anang dating pangulo.
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte sa ICC: 'Start the investigation tomorrow!'
Noong Hunyo ng taong ito nang ihayag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno