January 22, 2025

Home FEATURES

ALAMIN: Ang 1734 Murillo Velarde Map at ang teritoryo ng Pilipinas laban sa China

ALAMIN: Ang 1734 Murillo Velarde Map at ang teritoryo ng Pilipinas laban sa China
Photo courtesy: screenshot from RTVM/Facebook

Sa kabila ng tumitinding sigalot sa pagitan ng China at Pilipinas tungkol sa mga karagatang nasa West Philippine Sea, malaki ang pag-asa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na malaking bahagi raw ng kasaysayan ang mapagtatagpo ng Murillo Velarde Map sa usapin ng teritoryo ng bansa.

Nito lamang Biyernes, Disyembre 6, 2024, opisyal nang napasakamay ng Malacañang ang tinaguriang “Mother of all Philippine Maps,” isang mapang nagmula sa isang Español at Hesuitang Frayle na si Pedro Murillo Suarez, na siyang iginuhit naman ng dalawang Pilipinong sina Francisco Suarez at Nicolas dela Cruz. 

Naibalik sa pagmamay-ari ng bansa ang 1734 Murillo Velarde Map nang mabili umano ito ng isang Pilipinong negosyante na si Mel Velarde sa isang auction sa London noong 2014.

Para sa Pangulo, ang nasabing mapa ay isang regalo raw mula sa kasaysayan ng bansa na siyang nagpapakita ng kultura at tradisyon ng Pilipinas. 

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“The map encapsulates not just the geographical contours of our archipelago, but also the vibrant interplay of cultures, of peoples, and traditions that define our nation. The map features details that go far beyond rivers and coastlines,” ani PBBM.

Sa kabila ng iba’t ibang bersyon ng mga mapang inilalabas ng umano ng China, katulad ng “9-dash line” at “10-dash line,” minsan na raw napataob ng 1734 Murillo Velarde Map ang mga argumento ng naturang bansa, laban sa teritoryo ng Pilipinas. 

Ayon sa ulat ng GMA News, mahalaga ang ginampanan ng 1734 Murillo Velarde Map sa Arbitrational Tribunal noong 2016 kung saan opisyal na kinilala ng Permanent Court of Arbitration ang soberanya ng Pilipinas sa mga pinag-aagawang teritoryo. 

Ngunit, nakasaad nga ba talaga sa naturang mapa na kabilang pa sa Pilipinas ang ilang karagatang inaangkin ng China?

Sa iniwang mensahe ni PBBM sa kaniyang talumpati matapos tanggapin ang nasabing mapa, tahasan niyang pinangalanan ang dalawang malawak na teritoryong inaagaw umano ng China na matagal na umanong nakasaad sa 1734 Murillo Velarde Map.

“The Murillo Velarde map in particular, provided critical evidence to demonstrate that the Philippines has continuously exercised authority and jurisdiction over what is now identified as Panacot Shoal now Scarborough Shoal and Los Bajos de Paragua (Spratly islands),” anang Pangulo.

Sa kasalukuyang tila paghahari ng China sa West Philippine Sea, makapangyarihan pa kaya ang mapang naglathala ng isang teritoryo sa nakalipas na halos 29 dekada?