Isiniwalat ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na nakiusap siya sa mga kapwa niya senador na taasan ang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025 ngunit hindi raw siya pinagbigyan.
Sa isang online interview ng media nitong Biyernes, Disyembre 6, na inilabas ng Newswatch, sinabi ni Dela Rosa na pinatataasan niya sa isinagawang pagdinig ng Senado ang budget ng OVP mula sa naaprubahan sa Kamara na ₱733 milyon, mahigit ₱1.29 bilyon ang kaltas mula sa ₱2.037 bilyong panukalang budget ng opisina.
“If they (Kamara) cut the budget by 63%, sabi ko, puwede ba gawin na lang nating 50% ‘yun, ibalik natin yung 13%? Hindi pumayag,” ani Dela Rosa.
Sinabi rin ng senador na ang suhestiyon niyang taasan ang budget ng OVP mula sa inaprubahan ng Kamara ay upang ipakita umanong hindi sunod-sunuran ang Senado sa mababang kapulungan.
“Sabi ko, kung hindi pwede ‘yung 13, kahit yung 3 man lang, yung 3% of the total budget of OVP is amounting to around ₱21 million. 3% lang ibalik natin para symbolism lang na we are not a stamping pad of the House of Representatives, na hindi tayo sunud-sunuran sa kanila, kung ano i-approve natin. Sabi ko kahit 3% lang… ‘Yun ang pakiusap ko, pero ayaw pa rin tayong pagbigyan,” saad ni Dela Rosa.
Matatandaang sa isinagawang pagdinig ng Senado kamakailan, inaprubahan ng Senate finance committee ang ₱733-million budget ng OVP sa loob ng 10 minuto.
Ayon sa chairperson ng komite na si Senador Grace Poe, na-adopt lamang ng Senado ang rekomendasyon ng Kamara dahil hindi nagpasa ng mga kinakailangang dokumento ang OVP, kahit ilang beses na silang nakipag-ugnayan sa kanila.
MAKI-BALITA: Budget ng OVP, aprub sa senado; mga senador, nagpa-pic kay VP Sara
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ano ang susunod na pagdadaanan ng proposed budget ng OVP?