December 26, 2024

Home BALITA National

‘Nakataga na ‘yan sa bato!’ Sen. Bato, naniniwalang planado impeachment vs VP Sara

‘Nakataga na ‘yan sa bato!’ Sen. Bato, naniniwalang planado impeachment vs VP Sara
Sen. Bato dela Rosa at VP Sara Duterte (file photo)

Naniniwala si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na planado na umano ang pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang press conference nitong Biyernes, Disyembre 6, iginiit ni Dela Rosa na hindi raw mag-iimbestiga ang Kamara hinggil sa confidential funds sa ilalim ng panunungkulan ni Duterte kung wala umanong balak na patalsikin ito.

“Nakaplano na ‘yan eh. Nakataga na ‘yan sa bato, otherwise hindi sila mag-iimbestiga niyan kung wala silang balak na impeachment,” ani Dela Rosa, na kilalang kaalyado ng pamilya Duterte.

“So regardless kung mag-explain nang pabalik-balik si VP Sara sa kanila, sarado na ‘yan eh, nakaplano na 'yan na talagang i-impeach siya,” dagdag niya.

National

Ilang araw bago ang New Year: Bilang ng mga naputukan, pumalo na sa 69

Binanggit din ng senador na matapos daw magpadala ng mensahe si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga kongresistang huwag patalsikin si Duterte ay agad na may naghain ng impeachment complaint laban dito.

Hindi naman nilinaw ni Dela Rosa kung sino ang partikular na tinutukoy niyang nagplano ng impeachment laban sa bise presidente.

Matatandaang noong Nobyembre 29 nang kumpirmahin ni Marcos na nagpadala siya ng text message sa Kongreso upang sabihing huwag nang maghain ng reklamong pagpapatalsik kay Duterte dahil pag-aaksaya lamang daw ito ng oras.

MAKI-BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara

Samantala, noong Disyembre 2 nang iendorso ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña sa Kamara ang unang impeachment complaint laban kay Duterte na inihain ng iba’t ibang civil society leaders ng bansa.

MAKI-BALITA: Grounds ng impeachment laban kay VP Sara, inisa-isa ng civil society leaders

Bukod sa impeachment complaint na inendorso ni Cendaña, isa pang impeachment complaint ang isinumite sa Kamara noong Miyerkules, Disyembre 4, na inendorso naman ng Makabayan bloc.

MAKI-BALITA: Paghahain ng ikalawang impeachment case vs VP Sara, sinabayan ng protesta!