December 23, 2024

Home BALITA

Harry Roque, itinanggi ang pagtakas: 'No hold departure order issued against me'

Harry Roque, itinanggi ang pagtakas: 'No hold departure order issued against me'
Photo courtesy: Harry Roque,Risa Hontiveros/Facebook

Inalmahan ni dating Presidential spokesperson at ngayo’y nagtatagong si Atty. Harry Roque ang naging pahayag ni Sen. Risa Hontiveros hinggil sa naging pagtakas daw umano niya palabas ng bansa sa pamamagitan daw ng ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers.

“I did not escape. I am free to travel as there is a no hold departure order issued against me,” ani Roque. 

Muli ring iginiit ni Roque na wala raw siyang koneksyon sa mga POGO owners at financiers ng mga ito.

“Second, I have no personal and professional ties with any POGO actors – whether they are owners, financiers, or operators of offshore gaming,” saad ni Roque.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Matatandaang lumabas sa imbestigasyon ng Senado sa pangunguna ni Hontiveros na may kaugnayan umano si Roque sa pagpapatakbo ng isa sa mga pinakamalaking POGO hub sa bansa na POGO Lucky South 99 sa Porac, Pampanga. 

Matapos ang hindi niya pagsipot sa pagdinig ng Kamara hinggil sa nasabing kinasangkutan niyang POGO operations, naghain ang House Sergeant-at-Arms ng arrest warrant laban kay Roque noong Setyembre 2024.

Samantala, matapos ang ilang buwang pagtatago, ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, kumpirmadong nagmula raw sa Abu Dhabi ang counter affidavit na isinumite ni Roque sa Department of Justice. Ito ang unang pagkakataong nakumpirma ng mga awtoridad na nakalabas na ng bansa ang dating Presidential spokesperson.

Tinawag din ni Roque na irresponsible raw at malisyoso ang umano’y alegasyon ni Hontiveros sa pakikipagsabwatan daw niya sa mga POGO upang makalabas ng Pilipinas. 

“I find the allegations of Senator Risa Hontiveros irresponsible and malicious. True to her style, it is crass politicking. There is no truth that I escaped from the Philippines with the help of POGO actors,” aniya.

Hinamon niya rin ang senadora na lumabas daw ito sa loob ng senado at patunayan ang kaniyang mga pahayag.

“I challenge the lady Senator to deliver a speech outside the halls of the Senate and not hide behind her parliamentary immunity while making those allegations bereft of merit,” giit ni Roque.

Wala pa muling inilalabas na pahayag si Hontiveros tungkol sa naging tugon ni Roque.