Inihayag ni dating senador at Mamamayang Liberal partylist first nominee Leila de Lima ang paghingi raw ng tawad ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman hinggil sa pananahimik nito noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pamamagitan ng Facebook post, ibinahagi ni de Lima ang kaniyang maiksing mensahe para kay Roman, nitong Biyernes, Disyembre 6, 2024. Sa nasabing post, tahasang iginiit ng dating senadora na magsisinungaling daw siya kung sabihin niyang hindi raw siya nasaktan noon.
“I'd be lying if I say I wasn't hurt then, Congw. Geraldine,” ani De Lima.
Saad pa ni De Lima, naiintindihan daw niya na ang naging pananahimik ni Roman dahil umano sa takot at intimidasyon na hatid ng administrasyon ni FPRRD.
“Pinapahalagahan ko ang iyong paghingi ng tawad ngayon at ang katapatan mong aminin ang pananahimik mo noong administrasyon ni Duterte. His reign was marked by fear, intimidation, and the silencing of anyone who dared to stand for what was right,” anang dating senadora.
Nabanggit din niya na hindi niya raw naiwasang kuwestiyonin ang ilang politiko na nanahimik dahil sa takot.
“It makes me question how many politicians still let fear hold them back from accountability,” saad ni De Lima.
Matatandaang kamakailan lang ay humingi ng tawad si Roman kay De Lima. sa pamamagitan ng ambush interview at sinabing nagawa niya raw manahimik noon, alang-alang umano sa kaniyang nasasakupang distrito.
“Ang pinaghuhugutan ko no’n, I remember, in the 17th Congress. And I’d like to take advantage of this opportunity to ask and seek… well… forgiveness and apologize to Senator Leila de Lima because, at that time, it seems that the past administration was sending a message to the legislative that hindi puwedeng may opposition. Hindi pwedeng may dissenting voice,” ani Roman.Bilang tugon kay Roman, tahasang binanggit ni De Lima sa naturang FB post na pinapatawad niya na raw ito at muling nanawagan sa taumbayan na huwag na raw muling magpadala sa takot para sa ikabubuti ng lahat.
“PERO PINAPATAWAD KITA. As women, we must refuse to be silenced or intimidated by any madman ever again. We do the things we believe are good for our people. Salamat sa iyong katapangan,” saad ng dating senadora.