“Hindi dahil galing sa pamilya ng politiko ay automatic ang boto ninyo…”
Pinayuhan ni Vice President Sara Duterte ang mga Pilipinong maging matalino sa pagboto ng mga magiging susunod na lider ng bansa sa susunod na eleksyon.
Sa isinagawang thanksgiving ng Office of the Vice President (OVP) nitong Martes, Disyembre 3, sinabi ni Duterte na hindi dapat awtomatikong iboboto ang isang kandidato dahil lamang sa galing ito sa pamilya ng politiko.
“Hindi dahil galing sa pamilya ng politiko ay automatic ang boto ninyo,” ani Duterte.
“Kailangang suriin ninyo nang mabuti kung mayroon ba siyang kakayahanan bukod sa kaniyang apelyido,” saad pa niya.
Ayon pa sa bise presidente, hindi rin daw dapat piliin ng mga botante ang mga kandidato dahil lamang sa “ayuda” na kanilang natanggap, kundi dahil sa kwalipikasyon ng mga itong maglingkod sa bayan.
“Hindi ninyo utang na loob sa kanila ang ayuda,” giit ni Duterte.
Nakatakdang isagawa sa 2025 ang midterm elections para sa pagkasenador at iba pang posisyon, habang sa 2028 naman gaganapin ang national elections para sa pagkapangulo, bise presidente, at iba pang posisyon sa bansa.