December 23, 2024

Home BALITA

SP Chiz, nilinaw na hindi Senate President ang papalit kapag na-impeach si VP Sara

SP Chiz, nilinaw na hindi Senate President ang papalit kapag na-impeach si VP Sara
Photo courtesy: screenshot from Senate of the Philippines/Facebook

May nilinaw si Senate President Chiz Escudero hinggil sa kung sino ang maaaring pumalit na Bise Presidente kung sakaling tuluyang ma-impeach si Vice President Sara Duterte. 

Sa panayam ng media kay Sen. Escudero, nilinaw niyang hindi siya ang awtomatikong papalit sa mababakanteng puwesto ni VP Sara kapag siya ay na-impeach. 

"Hindi susundan yung line-up succession. Iyong line-up succession papasok lamang 'yan kapag sabay nawala ang one at two, sabay nawala ang one, two, three, doon lamang papalit ang pangatlo o pang-apat,” ani Escudero. 

Binalikan din ng Senate President ang nangyari noon sa panahon daw ni dating Pangulong Joseph Estrada kung saan matapos niyang ma-impeach, ay pumalit na Pangulo sa kaniya si noo’y Vice President Gloria Macapagal Arroyo at saka ito pumili ng papalit sa kaniyang binakanteng posisyon bilang Pangalawang Pangulo mula sa Kongreso. 

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Nakita na nating nangyari 'yan. Noong natanggal si dating Pangulong Estrada si then Vice President Arroyo, nabakante ang Vice President ang ginawa niya—so hindi sabay nabakante. Nag-appoint siya mula sa Kongreso,” anang Senate President. 

Isinaad din ni Escudero ang iba pang requirements at basehan sa pagpili ng maaaring maging bagong Bise Presidente mula sa Senado at Kamara. 

“Ang requirement ng Congressman 25 years old. Ang age requirement ng Senator ay 30 years old. Ang age requirement ng President at Bise Presidente ay 40 years old. So limitado ang pwedeng piliin ng Pangulo na magiging ikalawang Pangulo mula sa Kongreso na ang edad ay 40 pataas,” saad ni Escudero. 

Dagdag pa niya, wala naman daw kasalukuyang senador na nasa 40 taong gulang pababa, kung kaya’y lahat daw sila ay qualified na mapili bilang Pangalawang Pangulo. 

“Wala naman yatang na senador na bababa sa 40 so lahat ng senador ay qualified. Pero may mga kongresistang below 40. Hindi sila puwedeng i-nominate dahil hindi sila qualified,” saad ni Escudero. 

Sa hanay naman ng Kamara, iginiit ng Senate President na tanging edad na lamang daw ang kulang na kuwalipikasyon sa mga ito.

“Iyong ibang qualification ng Pangulo at Ikalawang Pangulo taglay na ng mga mambabatas. Natural born citizen, registered voter, resident of the Philippines and able to read and write, so yung edad lamang yung nawawala,” anang senador. 

Kasalukuyang nasa dalawang impeachment cases na ang isinumite sa House of Representatives laban kay VP Sara na inidorso ng Akbayan Party-list at Makabayan bloc. 

KAUGNAY NA BALITA: Rep. Cendaña sa pag-endorso ng impeachment: ‘Isara na ang bangungot na dulot ni Sara!’

KAUGNAY NA BALITA: Ikalawang impeachment complaint vs VP Sara, ieendorso ng Makabayan Bloc