Muling maghahain ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protest kontra China matapos muling atakihin ng sasakyang pandagat nito ang sasakyang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Nito lamang Miyerkules, Disyembre 4, nang iulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na inatake ng tubig ng limang sasakyang pandagat ng China, kabilang na ang tatlo muna sa China Coast Guard (CCG) at dalawa mula sa navy nito, ang vessels ng Pilipinas sa Scarborough Shoal.
Sa isa namang panayam nitong Huwebes, Disyembre 5, na inulat ng Manila Bulletin, ibinahagi ni DFA Secretary Enrique Manalo na magsusumite ang Pilipinas ng diplomatic protest dahil karapatan daw ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang magsagawa ng operasyon sa nasabing karagatan.
Kaugnay nito, makikipagkita raw si Manalo kay Chinese Ambassador sa araw kung kailan ihahain ang protesta.
“Certainly, we don’t understand why China again is repeating these actions which are clearly illegal,” giit ni Manalo.
Nasa 60 diplomatic protests na ang naihain ng Pilipinas laban sa China nito lamang 2024 at 193 mula nang maupo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa puwesto ng pagkapangulo noong Hulyo 2022, ayon sa DFA.