Naghahanda na raw ang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) upang magsagawa ng malalaking kilos-protesta bilang pagtutol sa mga inihaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa programang “Sa Ganang Mamamayan” ng NET25 nitong Miyerkules, Disyembre 4, sinabi ng host na si Gen Subardiaga na nag-oorganisa na ang mga lokal sa buong INC upang magsagawa ng malalaking pagtitipon bilang pagsuporta raw sa kamakailang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na huwag nang ituloy ang pagpapatalsik kay Duterte.
Matatandaang kamakailan lamang ay sinabi ni Marcos na pag-aaksaya lamang umano ng oras ang pagsasampa ng impeachment complaint laban sa bise presidente.
MAKI-BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara
"Ang mga kapatid po sa Iglesia ay naghahanda na magsagawa po ng rally upang ipahayag sa lahat ng mga kinauukulan na ang Iglesia ni Cristo ay pabor sa opinyon ng Pangulong Bongbong Marcos na hindi sumang-ayon sa isinusulong ng ilang sektor na impeachment dahil maraming problema ang ating bansa na dapat pong unahin ng ating pamahalaan,” ani Subardiaga.
"Ang Iglesia ni Kristo po ay para sa kapayapaan. Ayaw po natin sa anumang uri ng kaguluhan na manggagaling sa kaninumang panig,” saad pa niya.
Habang sinusulat ito’y dalawang impeachment complaints na ang inihain sa Kamara laban sa bise presidente.
MAKI-BALITA: Grounds ng impeachment laban kay VP Sara, inisa-isa ng civil society leaders
MAKI-BALITA: Paghahain ng ikalawang impeachment case vs VP Sara, sinabayan ng protesta!