Tinawag ni Harry Roque na “sagot sa panalangin” ang nakatakdang pagkilos-protesta ng Iglesia ni Cristo (INC) upang tutulan ang mga inihaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Matatandaang sa programang “Sa Ganang Mamamayan” ng NET25 nitong Miyerkules, Disyembre 4, sinabi ng host na si Gen Subardiaga na nag-oorganisa na ang mga lokal sa buong INC upang magsagawa ng malalaking pagtitipon bilang pagsuporta raw sa kamakailang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na huwag nang ituloy ang pagpapatalsik kay Duterte.
MAKI-BALITA: INC, naghahanda ng rally para tutulan impeachment complaints laban kay VP Sara
Sa isa namang X post nitong Huwebes, Disyembre 5, iginiit ni Roque na ang gagawin ng INC ay isang pagmartsa upang isalba umano ang demokrasya mula sa “diktadurya.”
“Prayers answered! INC marching to save our democracy from yet another dictatorship! Amen!” giit ni Roque.
Sa kasalukuyan ay dalawang impeachment complaints na ang inihain sa Kamara laban sa bise presidente, kung saan isa sa mga tinalakay na grounds ang umano’y maling paggamit ng ₱650 million pondo ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong siya pa lamang ang kalihim nito.
MAKI-BALITA: Grounds ng impeachment laban kay VP Sara, inisa-isa ng civil society leaders
MAKI-BALITA: Paghahain ng ikalawang impeachment case vs VP Sara, sinabayan ng protesta!
Samantala, matatandaan namang naiulat kamakailan na nakalabas na ng bansa si Roque sa gitna ng kinahaharap niyang reklamong qualified human trafficking.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), posible umanong gumamit ng pekeng immigration clearances si Roque dahil walang mahanap na record ng kaniyang naging pagbiyahe palabas ng Pilipinas.