Sinabayan ng kilos-protesta sa labas ng House of Representatives ang nakatakdang paghahain ng ikalawang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules, Disyembre 4, 2024.
Inaasahang ihahain ng tinatayang nasa 75 indibidwal mula sa iba’t ibang sektor, na may endorso ng Makabayan bloc, ang magsusumite impeachment complaint laban kay VP Sara.
Sa pangunguna ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), ilang progresibong grupo ang nagtipon sa bahagi ng South Gate ng House of Representatives. Bitbit ng nasabing mga grupo ang ilang mga karatulang kumukwestiyon kay “Mary Grace Piattos,” na siyang may kaugnayan sa umano’y maanomalya raw na paggamit ng Office of the Vice President (OVP) sa kanilang confidential funds.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Hindi nag-eexist?’ Mary Grace Piattos, walang kahit anong record sa PSA
Matatandaang nitong Martes, Disyembre 3, nang kumpirmahin ni Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel ang pagsusumite nila ng nasabing impeachment complaint laban sa Bise Presidente.
KAUGNAY NA BALITA: Ikalawang impeachment complaint vs VP Sara, ieendorso ng Makabayan Bloc
Samantala, sa panayam naman ng Teleradyo kay Bayan President Renato Reyes, Jr. iginiit niyang isa raw sa sinisilip ng kanilang grupo ay ang paliwanag at katotohanan kung paano raw ba nagastos ng kampo ng Bise Presidente ang kanilang confidential funds at kung paano rin daw pineke ang mga resibong ipinakita nito sa Kamara.
“Paano ba ginastos ang confi funds? Paano na-utilize yung more than half a billion ng confidential funds? Paano ‘yan ginastos mula Dec. 2022 hanggang 3rd quarter 2023? Paano pineke? Paano nilabag 'yung mga alituntunin ng Commission on Audit pagdating sa pag-uulat. Diyan papasok ‘yung mga questionable na resibo, Mary Grace Piattos at iba pang kwestyonableng pamamaraan ng liquidation,” saad ni Reyes.
Kamakailan lang ay nilinaw na rin ng Palasyo na wala raw silang kinalaman sa pag-usbong ng impeachment cases laban sa Pangalawang Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: Malacañang, walang kinalaman sa impeachment complaint laban kay VP Sara – Bersamin