Nagbigay ng reaksyon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng inihaing impeachment complaint ng iba’t ibang mga grupo ng bansa laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng ANC nitong Martes, Disyembre 3, na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Dela Rosa na wala umanong pumipigil sa mga nais maghain ng reklamo upang patalsikin si Duterte.
"They can do it, nobody's stopping them, if they want to do it then go ahead. Wala pong problema," aniya.
Samantala, iginiit ng senador “sinisingle-out” umano ang Office of the Vice President (OVP) hinggil sa pag-iimbestiga ng Kamara sa confidential funds.
Ayon pa kay Dela Rosa, kung seryoso raw ang Kamara sa pag-imbestiga sa confidential funds, dapat umanong magsimula sila sa Office of the President (OP).
"To start with alam naman natin na sinisingle-out nila yung OVP for what? Alam natin what's the motive behind. Kung gusto nila, talagang seryoso sila, maimbestigahan yung confidential funds na yan, they should start with the Office of the President,” giit ni Dela Rosa.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Kamara ang umano’y maling paggamit ng ₱612.5-million confidential funds sa ilalim ng pamamahala ni Duterte.
Samantala, matatandaang nitong Lunes, Disyembre 2, nang magtungo ang iba’t ibang civil society leaders sa House of Representatives upang ihain ang kanilang impeachment complaint laban kay Duterte, na inendorso ni Akbayan Rep. Perci Cendaña.
MAKI-BALITA: Grounds ng impeachment laban kay VP Sara, inisa-isa ng civil society leaders
Kinumpirma naman ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel sa isang press conference nitong Martes na nakatakdang iendorso ng Makabayan Bloc ang ikalawang impeachment complaint laban kay Duterte ngayong linggo.
MAKI-BALITA: Ikalawang impeachment complaint vs VP Sara, ieendorso ng Makabayan Bloc
Kaugnay nito, matatandaang nanawagan kamakailan si Senate President Chiz Escudero sa kaniyang mga kapwa senador na huwag nang magbigay ng komento dahil sila raw sa Senado ang nakatalagang duminig sa mga kaso ng impeachment.
MAKI-BALITA: SP Chiz, nanawagan sa mga senador na ‘wag magkomento sa 'impeachment' vs VP Sara