Si Fr. Rufino “Jun” Sescon Jr., rector at kura paroko ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Simbahan ng Quiapo sa Quiapo, Maynila ang bagong obispo ng Diocese of Balanga sa Bataan.
Ang pagtatalaga ay mula mismo sa Santo Papa ng Simbahang Katoliko na si Pope Francis, matapos mabakante ang posisyon noong 2023, matapos namang gawing obispo ng Diocese of Antipolo ang dating obispo ng Diocese of Balanga na si Bishop Ruperto Santos.
Makikita naman sa opisyal na Facebook page ng Quiapo Church ang pagpapasalamat nila sa Santo Papa, at pagsuporta naman kay Fr. Jun sa bago niyang misyon.
"Lubos ang kagalakan at pasasalamat ng aming puso sa pagtatalaga ng Santo Papa kay Reb. Padre Rufino "Jun" Sescon, Jr, ating Rektor at Kura Paroko, bilang bagong obispo ng Diyosesis ng Balanga," anila.
"Purihin natin ang Diyos sa biyayang ito!"
"Panginoong Jesus Nazareno, pagpalain mo si Fr. Jun sa kanyang bagong misyon sa Santa Iglesya. Siya nawa!"
Bukod sa pagiging rector ng Quiapo Church, si Sescon ay kasalukuyang executive director ng Catholic Mass Media Awards (CMMA). Nagkaroon na rin siya ng iba't ibang posisyon sa archdiocese ng Maynila.
Hindi pa sigurado kung sino naman ang papalit sa kaniya bilang rector ng sikat na national shrine na matatagpuan sa Plaza Miranda ng Quiapo.