Naniniwala si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon na hindi muna dapat tanggapin ng Kamara ang impeachment complaint na inihain ng iba’t ibang mga grupo ng bansa laban kay Vice President Sara Duterte dahil posible umanong masayang ang oras kung ngayon na isasagawa ang pagdinig.
Matatandaang nitong Lunes, Disyembre 2, nang magtungo ang iba’t ibang civil society leaders sa House of Representatives upang ihain ang kanilang impeachment complaint laban kay Duterte, na inendorso ni Akbayan Rep. Perci Cendaña.
MAKI-BALITA: Grounds ng impeachment laban kay VP Sara, inisa-isa ng civil society leaders
Sa isa namang video message nito ring Lunes ay binanggit ni Gadon na isang impeachment complaint lamang ang maaaring tanggapin kada taon, kaya’t mas swak daw kung sa 2025 ito simulang dinggin ng Kamara.
"I think and I hope that the House will not entertain it or will not give due course because there is a limit for impeachment complaints of one complaint only a year. If that complaint will be given due course, the House cannot be expected to finish the hearing for the impeachment because there's no time. So I hope that they will not entertain or give due course to this impeachment complaint,” ani Gadon.
“Next year 'yan talaga, swak na swak 'yan. Pak na pak," saad pa niya.
Matatandaan namang sa isang panayam ay sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na tinatayang 130 araw ang gugulin para sa proseso ng Kamara para sa impeachment complaint.
MAKI-BALITA: Kamara, handang umaksyon kung may maghain ng impeachment vs VP Sara – Velasco