January 07, 2025

Home BALITA Metro

Mandaluyong, nakamit ang 100% rating sa child-friendly local governance audit

Mandaluyong, nakamit ang 100% rating sa child-friendly local governance audit

Nakatakdang gawaran ang Mandaluyong City Government ng "Seal of Child Friendly Local Governance (SCFLG)" matapos na makamit ang 100% rating sa ginawang Child Friendly Local Governance Audit (CFLGA) 2024 ng Council for the Welfare of Children (CWC).

Mismong si CWC Undersecretary Atty. Angelo Tapales ang nag-anunsiyo ng naturang magandang balita matapos na maging panauhing pandangal sa flag raising ceremony sa lungsod nitong Lunes, Disyembre 2.

"Isa ang Mandaluyong sa anim na local government unit (LGU) sa buong bansa ang mayroong 100% rating sa CFLGA. Patunay lamang ito na bukod sa child-friendly ang Mandaluyong ay perfect pa sa ginawang CFLGA. Kaya't ngayon pa lang ay binabati ko po ang buong lungsod," ayon pa kay Tapales.

Labis namang ikinatuwa nina Mandaluyong City Mayor Ben Abalos at Vice Mayor Menchie Abalos, gayundin ang Sanggunang Panlungsod, ang naturang magandang balita.

Metro

‘Di naman ako artista!’ Sagot ni Vico Sotto sa interview hinggil sa ‘The Kingdom,’ kinaaliwan

Nagpasalamat din si Mayor Ben sa CWC at sinabing hindi ito makakamit ng lungsod kung hindi nagkakaisa ang lahat ng Mandaleño.

Pinasalamatan din ng alkalde ang mga bumubuo ng pamahalaang lungsod, mga magulang at mga children representatives at volunteers sa patuloy nilang pagsuporta sa kampanya laban sa paglabag sa karapatan ng mga bata.

Sa kanyang panig, ibinahagi naman ni Vice Mayor Menchie Abalos na bilang isang Child-Friendly City ay patuloy na gumagawa ng mga programa ang pamahalaang lungsod para mabantayan ang karapatan ng bawat kabataang Mandaleño.

Kabilang aniya dito ang inilunsad na BALISA (Bantayan at Alamin ang Laman ng Isip at Saloobing may Alinlangan) program na tutugon sa mental health problems ng mga kabataan, at ang pagsasanay sa mga piling tauhan ng lungsod at mga child representatives kaugnay ng MAKABATA Helpline 1383, kung saan nilagdaan na ang memorandum of understanding ukol dito sa pagitan ng Mandaluyong at ng CWC noong Lunes.

Inabisuhan din naman ni Vice Mayor Menchie ang mga barangay captains sa buong lungsod na paigtingin ang kani-kanilang mga barangay council for the protection of children (BCPC) sa tulong ng mga LCPC Children Representatives, sa pamamagitan ng pagbuo ng sarili nilang mga ordinansa para labanan ang lahat ng uri ng paglabag sa karapatan ng mga bata kabilang na ang lumalalang online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC) dulot umano ng social media.