Ikaw ba ang tipo ng taong nag-eenjoy sa outdoor activities? Isa bang “sense of satisfaction” para sa iyo ang akyatin ang matataas na bundok?
Halina’t alamin ang ilang mga hakbang at tips upang maging “certified mountaineer” na ibinigay mismo ni Jeno Panganiban, ang isa sa mga pinakaunang Pilipinong nakaakyat sa isa sa 14 highest mountains in the world—ang Mt. Manaslu sa Nepal.
Kilalanin si Jeno Panganiban bilang isang mountaineer
Si Panganiban ay isang 29-anyos mula sa Pasig City. Siya ay isang degree holder ng kursong Computer Science at nagnenegosyo ng pag-wholesale ng mga prutas at gulay. Ngunit sa likod ng larangan ng computer at negosyo, isa siyang risk taker na kumukuha ng sense of satisfaction sa pag-akyat ng mga bundok.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Panganiban na taong 2016 nang magsimula niyang kahiligan ang mountain climbing. Kuwento niya, college student siya noon at nag-aaral ng kursong Computer Science nang maisip niyang sumama sa kaniyang mga kaibigan sa pagha-hiking upang magpahinga naman mula sa pagtutok sa computer at pag-aaral.
"Naghanap ako ng parang for a change sa lifestyle ko," aniya. "Na-sunburn ako, na-dehydrate ako, pero there is something about it na may sense of achievement ka kasi na-survive mo yung journey. Na-reach mo yung top. Nakababa ka nang safe at kasama mo pa ang friends mo.”
Kaya naman, mula noon ay inulit-ulit na ni Panganiban ang pagma-mountaineering hanggang sa hindi na raw niya mabilang ang mga naakyat niyang bundok sa Pilipinas.
Taong 2017 nang magsimula na rin siyang mag-organisa ng hikes kasama ang kaniyang mga kaibigan.
Samantala, dahil sa sense of achievement na naidudulot ng pag-akyat ng kabundukan, hindi na lamang mga bundok sa Pilipinas ang inaakyat ngayon ni Panganiban. Taong 2022 nang lakbayin niya ang pinakaunang bundok na narating niya sa ibang bansa—ang Everest Base Camp.
"Ito yung time na nakakalabas na ang lahat after the COVID-19 pandemic, noong nababawasan na yung mga travel restriction. Meron akong friend na ininvite ako na: 'Jeno, try nating mag-Everest Base Camp.' Risk-taker kasi akong tao eh. So sabi ko, why not. That's every mountaineer's dream to reach the base camp of Mt. Everest," ani Panganiban.
"Sabi ko rin sa sarili ko, I think it's time na rin to move out sa Philippines and ma-try yung ibang bansa," saad pa niya.
Sa ngayon ay iba't ibang mga bundok na rin sa labas ng Pilipinas ang naakyat ni Panganiban, tulad ng Mt. Kinabalu sa Malaysia, Mt. Yushan sa Taiwan, Mt. Fuji sa Japan at ang pinakamataas ngang naakyat niya na Mt. Manaslu sa Nepal.
Mga dapat tandaan sa pag-akyat ng matatayog na kabundukan
Sa ilang mga taon niyang pag-akyat ng mga bundok, tila gabundok na rin ang mga naging karanasan ni Panganiban. Marami na rin siyang mga pagsubok na kinailangang pagtagumpayan at mga aral na kaniyang mga natutunan sa gitna ng mahabang paglalakbay.
Kaya naman upang makatulong din sa mga nagnanais maging certified mountaineer katulad niya, ibinahagi ni Panganiban ang ilang mga dapat tandaan sa pag-akyat sa matataas na kabundukan.
Mga pagsubok na karaniwang kinahaharap sa mountaineering
Ibinahagi ni Panganiban ang karaniwang pagsubok na nararanasan niya sa bawat pag-akyat ng matataas na bundok, na posible rin daw maranasan lalo na ng mga nagsisimula pa lamang sa mountaineering. Narito ang mga sumusunod:
1. Gastos – Ayon kay Panganiban, isa sa pinakauna talagang challenge para sa kaniya sa pag-akyat ng mataas na bundok ay tungkol sa usaping pang-pinansyal. Ito ay dahil kailangan daw na mag-invest sa mga kagamitan, tulad ng mountaineering boots na nasa $700 ang halaga, sleeping bag na nasa $800, summit suite na nasa $2,000, at oxygen tank na nasa $500. Kaya naman talagang pinag-iipunan daw niya ang pag-akyat sa bawat high altitude na bundok.
2. Pagkakasakit – Sa gitna ng mahabang paglalakbay paakyat ng bundok, na inaabot din daw ng buwan depende sa taas nito, hindi pwedeng magkasakit ang isang mountaineer. “Kapag nagpakita ka na ng sign ng altitude mountain sickness, it’s time for you to go home,” saad ni Panganiban. Kaya naman, napakahalaga talagang maging physically at mentally healthy.
3. Rotation – Dahil sa taas ng bundok, kailangang i-survive ang mahabang proseso ng pag-akyat patungo sa tuktok nito. Ani Panganiban, may tinatawag silang konsepto ng “acclimatization,” kung saan aakyat sila saka tutulog sa mas mababang lugar upang makapag-adopt sa oxygen level, at saka aakyat muli sa mas mataas hanggang sa marating ang tuktok.
4. Risk ng avalanches – Kuwento ni Panganiban, maraming mga pagkakataon kung saan natatabunan ang kanilang mga tent ng avalanches at heavy snow falls kaya’t kinakailangan nilang mag-evacuate. Kaya naman, dapat laging maging handa sa anumang mga naturang mga pagkakataon.
5. Homesickness – Sa gitna ng tagal sa pag-akyat ng bundok, maraming mga pagkakataong hindi makontak ang mga mahal sa buhay dahil walang signal. Dahil sa mga sitwasyong ito, hindi lamang daw pisikal na pangangatawan ang dapat ihanda sa pag-akyat ng bundok, kundi tatag ng kalooban. Bukod dito, isa rin sa mga “challenge” na naranasan niya sa pag-akyat ng bundok ay ang hindi pagkain ng cravings lalo na’t walang masyadong Filipino foods sa ibang bansa.
Qualities na dapat magkaroon ang isang mountaineer
Pagbabahagi ni Panganiban, ang unang dalawang kalidad na kinakailangang magkaroon ang isang mountaineer ay ang “perseverance” at “resourcefulness.”
Tulad ng mga nabanggit na mga pagsubok sa pag-akyat ng bundok, aniya, hindi mo alam kung ano ang madadatnan mo sa tuktok at mararanasan sa gitna ng paglalakbay. Maaaring umulan o tumirik ang sobrang init na araw. Maaari ka ring maubusan ng tubig o pagkain. Maaari ka o ang iyong kasamang magtamo ng injury dahil sa mga hindi inaasahang pagkakataon. Napakaraming pagsubok na maaaring sumalubong sa iyong paglalakbay, kaya’t kailangang mas magpunyagi at maging maparaan upang magpatuloy at hindi sumuko.
Kinakailangan ng tibay ng katawan at lakas ng loob sa bawat paghakbang paakyat hanggang sa marating ang pinakahihintay na tuktok.
Do’s and don’t’s sa pag-akyat ng mga bundok
Sa mountain climbing, mahalagang isipin na bisita lang ang bawat mountaineer sa mga bundok na inaakyat nila. Kaya’t kung gaano kaganda ang nadatnan sa paglalakbay, ganoon din dapat ito iiwan.
Kaya naman, narito ang pitong “leave no trace” principles na ina-apply rin daw nina Panganiban sa pag-akyat ng bawat bundok.
1. Plan ahead and prepare – Ayon kay Panganiban, mahalagang saliksikin na agad ang mga impormasyon tungkol sa aakyating bundok upang maiwasan ang mga aberya. Kung mas nakapaghanda ka, wala kang maiiwang mga gamit sa pag-akyat at alam mo na ang magiging solusyon sa posibleng maging mga problema. Kaya naman, mas magiging ligtas ang paglalakbay.
2. Travel & Camp on Durable Surfaces – Dapat mas mag-ingat sa mga dinadaanan at pinagtatayuan ng mga tent habang nagha-hike upang maiwasan din ang kapahamakan. Kuwento ni Panganiban, napakahalaga nito upang maiwasan ang mga nauna nilang karanasan kung saan may mga kasama siya noon na nahuhulog sa bangin o sa ilog, o kaya naman ay binaha ang pinagtayuan nilang tent.
3. Dispose of Waste Properly – Sa gitna ng ilang mga araw, linggo, o buwan ng pananatili at pag-akyat ng bundok, hindi maiiwasang kumain dito. Kaya’t dapat palaging maging responsable at huwag iwan na lamang kung saan-saan ang mga kalat.
4. Leave What You Find – Ani Panganiban, marami sa mga bundok, lalo sa Pilipinas, na may mga burial site kaya’t mahalaga raw na maging culturally responsible at respectful ang bawat mountaineer sa kanilang mga madadaanan at mapupuntahan.
5. Minimize Campfire Impacts – Maaaring magresulta ng wildfire ang bonfires sa mga bundok kaya’t mas mabuti, ani Panganiban, ang iwasan na lamang ito at gumamit na lamang ng ilaw hangga’t maaari.
6. Respect Wildlife – Ayon kay Panganiban, bisita lang ang bawat mountaineer sa bundok na natural habitat ng wildlifes. May mga pagkakataon daw na madadatnan sa bundok ang wildlifes na nasa “mating state” kaya’t mahalagang hayaan na lamang ang mga ito at huwag gagalawin.
7. Be Considerate of Others – Kapag aakyat ng bundok, palagi ring isipin ang kapakanan ng mga kasamahan. Isipin kung nakakaabala sa mga kapwa hiker ang bawat kilos sa pag-akyat at pananatili sa bundok.
Paglikha ng expedition team sa Pilipinas
Dahil sa kaniyang mga naging karanasan at natutunan sa pag-akyat ng matataas na bundok, tulad ng Mt. Manaslu sa Nepal na 8,163 metro ang taas, napag-usapan daw ni Panganiban at kaniyang kapwa Pinoy na teammates na bumuo ng expedition team sa Pilipinas para akyatin ang “14 highest mountains in the world” o ang 14 mga bundok na nasa 8,000 metrong mahigit ang taas.
Kasama ang Mt. Manaslu na naakyat ni Panganiban sa naturang 14 pinakamatataas na bundok sa buong mundo. Kaya’t nang matagumpay niyang narating ang tuktok nito, mas nag-alab pa ang kaniyang puso na ipakitang kaya ng Pilipino ang akyatin ang iba pang matataas na bundok.
“Nag-usap kami ng teammates ko na bakit hindi na natin ituloy itong fire na nasa atin. Kasi sayang naman kung dito na matatapos eh. Namulat ako, ang dami kong natutunan, at nagkaroon ako ng confidence na kaya naman pala ng Pinoy,” ani Panganiban.
“Yung last expedition team ng Pilipinas ay noong 2005 o 2006, yung first Filipino Mt. Everest expedition team, and that was somewhat 18 years ago. Ang gusto kong mangyari is gumawa tayo ng expedition team na hindi lang Mt. Everest. Alam kong kayang kaya natin yung Mt. Everest. So gumawa tayo ng expedition team na dedicated to complete all the 14 peaks in the world,” saad pa niya.
Sa ngayon ay nagsisimula na raw sina Panganiban sa pagre-recruit ng mga miyembro ng kanilang expedition team sa Pilipinas.
“It’s going to be a tough journey but I swear it’s going to be worth it. Sa mga gustong maging climber or mountaineer, napakaganda ng mga bundok dito sa Pilipinas. There’s so much more to climb, there’s so much more to enjoy,” mensahe ni Panganiban sa mga nagnanais ding maging mountaineer katulad niya.
“Sa mga gustong sumali sa aming expedition team, kailangan na nating ilagay yung Philippine flag diyan sa 14 peaks na iyan,” saad pa niya.
Para sa mga nais sumali sa expedition team nina Panganiban, maaaring mag-message sa kanilang Facebook page: https://www.facebook.com/PH14Official