December 02, 2024

Home BALITA

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'
Photo courtesy: Manila Bulletin file photo, screenshot from ABS-CBN News, Bongbong Marcos/Facebook

Nanindigan si dating senador at Mamamayang Liberal partylist first nominee Leila de Lima at Akbayan Representative Perci Cendaña na hindi makakaapekto ang naging pagtutol ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa paghahain ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

KAUGNAY NA BALITA: Rep. Cendaña sa pag-endorso ng impeachment: ‘Isara na ang bangungot na dulot ni Sara!’

Sa pagharap sa media nina De Lima at Cendaña nitong Lunes, Disyembre 2, 2024, tahasan nilang iginiit na buo ang kanilang hanay upang panagutin daw si VP Sara sa mga umano’y naging paglabag niya sa batas. 

“Talagang desisyon po ito ng mga indibidwal na mga nag-file coming from various groups. Ayaw naming kumupas o sumama sa kung anuman na mga moves nila ng mga nasa gobyerno ngayon including the President,” saad ni De Lima.

National

Rep. Cendaña sa pag-endorso ng impeachment: ‘Isara na ang bangungot na dulot ni Sara!’

Dagdag pa niya, sa pagsusumite raw nila ng impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo, hangad daw nila ay manaig ang Saligang Batas. 

“Kailangang mangingibabaw ang batas, mangibabaw ang Saligang Batas,” anang dating senadora. 

Agad ding sinegundahan ni Cendaña ang naging pahayag ni De Lima laban sa pagtutol daw ni PBBM na huwag na raw pagtuunan ng pansin ang impeachment sa Bise Presidente.

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara

“Ang Akbayan po ay mag-eendorso ng impeachment complaint sa kabila po ng mga balita noong nakaraang linggo na may mga sinabi ang Malacañang at ilang political leaders na huwag daw pong ituloy,” ani Cendaña.

Paglilinaw pa niya, nasa taumbayan daw kasi ang katapatan ng mga indibidwal at civic organization na naghain ng impeachment complaint, kung kaya’y hindi raw nila pakikinggan ang naturang pahayag ni PBBM.  

“Linawin po natin, ang loyalty po ng mga kasama natin na mga civil society leaders ay sa taumbayan. Hindi po madidiktahan ang mga progresibong puwersa na gustong na gustong i-hold accountable si Vice President Sara Duterte,” saad ni Cendaña.

Ang paksyon nina Cendaña ang kaunang naghain ng impeachment complaint laban kay VP Sara ngayong taon.

KAUGNAY NA BALITA: Grounds ng impeachment laban kay VP Sara, inisa-isa ng civil society leaders