December 02, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Paalala ng mommy-vlogger: 'Toys are genderless!'

Paalala ng mommy-vlogger: 'Toys are genderless!'
Photo courtesy: Screenshot from Mommy Nins Po (FB)/Freepik

Baby boy na naglalaro ng manika, baby girl na naglalaro ng kotse-kotsehan? Why not?!

Umani ng reaksiyon at komento sa publiko ang vlog ng mommy-vlogger na si "Mommy Nins" matapos niyang ipaalala sa kapwa parents at netizens na "Toys are genderless" o wala sa nilalarong laruan ng mga anak ang magdidikta sa kanilang kasarian.

"Toys are genderless. Ang mga manika, puwede sa batang lalaki, ang mga kotse-kotsehan, baril-barilan, puwede 'yan sa batang babae," panimula ni Mommy Nins sa kaniyang video. 

Naisalaysay ni Mommy Nins habang nagme-make up ang kaniyang naging karanasan sa isang toy store habang namimili ng laruan para sa kaniyang anak na lalaki. As usual daw ay halos ikutin ng kaniyang anak ang buong toy store, hanggang sa dumako siya sa section ng mga lutu-lutuan. Sinubukan daw ng anak na lalaki na kunwari ay magluto-luto, kagaya ng ginagawa nila sa bahay na kunwari ay nagbe-bake.

Human-Interest

Natagpuang crocodile fossil sa Peru, tinatayang nasa 10-12 million years old

Isang "kuya" raw ang lumapit sa kaniyang anak at biglang nagsabi ng "Uy si Pogi oh, naglalaro ng lutu-lutuan, 'di ba pang-girl 'yan?"

Imbes na sitahin ang lalaki ay hinayaan na lamang daw ito ni Mommy Nins, dahil tumatakbo-takbo ang anak niya, na nagtungo naman sa mga manika, partikular sa mga Disney Princess. Isa sa mga manika raw ang nakapukaw ng atensyon ng anak, at ito ay si "Snow White."

Muli na naman daw lumapit ang "kuya" na isang salesman pala sa nabanggit na toy store, na naiintindihan naman daw ni Mommy Nins na gusto lang mag-assist, subalit nagkomento na naman daw ito sa kaniyang anak.

"Sabi ni Kuya, 'Uy si Pogi oh mahilig talaga sa mga laruang pambabae,'" saad daw ng salesman.

Bihira daw mapikon si Mommy Nins sa mga ganoong sitwasyon, subalit nang mga sandaling iyon ay parang nais na raw niyang sagutin ang salesman, at the same time daw, parang nakaramdam daw siya ng pressure dahil parang may nais daw ipahiwatig ito patungkol sa kaniyang anak—na may gender issue ang anak niya.

Ang ending, mukhang nakapagtimpi naman si Mommy Nins at binili na lamang ang Snow White. Bibilhin daw sana niya ang Prince Charming toy para wala na raw masabi ang salesman subalit ayaw talaga ng anak niya.

Nang sumunod na araw daw, dinala ng anak niya ang Snow White toy sa paaralan. Sinabi raw ng guro sa kaniya na nakakatuwa ang anak niya dahil nag-role play ito, na ang anak niya ang Prince Charming ng biniling manikang si Snow White.

Kaya pala ayaw bilhin ng anak ang Prince Charming toy dahil sa kaniyang isipan, siya ito at siya ang prinsipe ni Snow White.

Hindi pa rin nakontento ang ina sa kuwento ng guro, kaya binuksan niya ang usapin sa "DevPed" o Developmental Pediatrician. Nang ikinuwento ni Mommy Nins ang naging behavior ng anak sa toy store, agad daw siyang pinigilan ng espesyalista.

"'Mommy, toys are genderless. Ang mga manika, puwede sa batang lalaki, ang mga kotse-kotsehan, baril-barilan, puwede 'yan sa batang babae. There is nothing wrong kung ang favorite color ng anak mong lalaki ay pink, and kung ang favorite color ng anak mong babae ay blue. Dahil ang mga colors ay gender neutral din,'" paliwanag daw ng DevPed sa kaniya.

Kaya naman, ibinahagi ni Mommy Nins ang kuwentong ito para sa parents para magkaroon sila ng awareness, at para maiwasang malimitahan ang choices ng mga anak nila dahil sa magiging impact nito sa lipunan.

"Malay n'yo 'yong anak n'yo, mahilig sa mga lutu-lutuan kasi one day, he will become a great chef. Malay n'yo 'yong anak n'yong babae, na mahilig sa mga kotse-kotsehan, or motor, ay magiging race car driver one day. Hindi n'yo masabi, 'di ba?"

Alam daw ni Mommy Nins na hindi lamang siya ang nakaranas ng mga ganitong senaryo, kaya wala raw dapat ipag-alala ang mga magulang dahil galing na raw mismo sa mga eksperto na hindi basehan ang choices nila sa mga laruan at kulay pagdating sa kanilang kasarian, at wala raw masama roon.

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.

"Thank you Mommy for this assurance i have 2 boys at ang madalas nila kalaro ay mga pinsan na girls kaya halo-halo din talaga ang toys nila, gender-neutral "

"Relate mih! So true, boy anak ko and he loves pink at mahilig din magluto luto, kc usually engage xa pag nagluluto ako minsan. May nagbibigay din ng mga comments mnsan s nga ibang religion and lahi minsan dito sa uk n mga sales na nasasagot ko din cla, na pink is a color and boys are allowed to cook din. Duh."

"If we normalize this big possibilities and chance they will have identity crisis in their teens…just saying. Ang normal kasi ngayon ineextend na to the extent to accommodate genders beside a boy and a girl. Masyado ng open sa lots of differences and possibilities the reason why ang mga bata at kabataan ang hirap ng icontrol."

"Correct!!! I encouraged my son to take care of a baby doll telling him that he would someday be a daddy too. He is now almost 18. He isn’t gay and he knows he needs to go to school and do his best because he would one day be responsible for a child as a responsible dad."

"Dapat turuan yung sales person. Pero ang isa sa main root cause ng ganyang judgement is sa bahay kc madami pa din sa mga magulang din na ganyan boxing sexuality on the choices of children lalo na yung toys at khit watching kids show or games. Not understanding that this is just their way of learning how to appreciate things without judgement . This helps them also not to judge other kids and end bullying … Or labeling people as they grow older. Plant seeds of compassion and kindness kung ano man choices ng iba."

Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 80k reactions, 23k shares, at 2.8 comments ang nabanggit na post.