Ipinaliwanag ng isang pulis ng Southern Police District (SPD) ang dahilan kung bakit sinasabing isa sa mga "most wanted" nila sa listahan ng mga dapat arestuhin ang dating aktres at negosyanteng si Neri Naig Miranda.
Sa programang "At The Forefront" ng Bilyonaryo Channel, na hino-host ni Atty. Karen Jimeno, ipinaliwanag ng isang female police officer kung bakit nasa top 10 most wanted list si Neri at hindi rin pinayagang magpiyansa para sa kaniyang mga kasong kinahaharap.
Sagot naman ng kinapanayam ng host, depende kasi ito sa bilang ng counts ng kaso niya, idagdag pa ang syndicated estafa na inihain laban sa kaniya.
Lumalabas kasi na may 14 counts ng violation sa securities regulation code si Neri na naging dahilan para silbihan siya ng warrant of arrest noong Nobyembre 23.
Dinala si Neri sa Pasay City Jail Female Dormitory, subalit habang isinusulat ito, ay sinugod daw sa ospital ang aktres dahil sa masamang pakiramdam.
Ang ilan naman sa mga nakasama sa top 10 ay may kasong murder, rape, syndicated estafa, at may kinalaman sa paggamit ng ilegal na droga.
Sabi pa ng pulis, 92 raw sa mga nasa listahan nila ang naaresto na nila, na nasasangkot sa kaso ng murder, rape, pagnanakaw, at karamihan daw ay paggamit ng ilegal na droga.
MAKI-BALITA: Suspek o biktima? Ang kuwento sa pagkakaaresto ng 'Wais na Misis' na si Neri Naig
MAKI-BALITA: BJMP, tiniyak na walang special treatment kay Neri sa Pasay City Jail
MAKI-BALITA: Southern Police District, kinumpirmang may dinakip na aktres na alyas 'Erin'