Nilinaw ni National Bureau of Investigation (NBI) Spokesperson Jaime Santiago na hindi sila magbibigay ng kopya ng mga tanong kay Vice President Sara Duterte hinggil sa kanilang imbestigasyon sa mga naging pahayag ng Pangalawang Pangulo laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos at liderato ng Kamara.
Sa panayam ng DZBB kay Santiago nitong Linggo, Disyembre 1, 2024, tahasan niyang iginiit na wala silang ibibigay na “advance questions” kay VP Sara.
“Ay hindi kami nagbibigay talaga ng questions. Iyong few questions na iyon, alam naman niya na ‘yon ang itatanong—bakit nasabi na nakapagbanta siya nang ganun, bakit may kinausap siyang tao, iyon ‘yong usual. Pero yung other questions pa ay hindi na namin maibibigay,” ani Santiago.
Matatandaang kasabay ng pagliban ni VP Sara sa imbestigasyon niya sa naturang ahensya, ay ang hiling niya na makapagpadala raw ng “advance questions” ang NBI sa kampo ni Bise Presidente.
Giit pa na Santiago, mahalaga raw ang magiging kooperasyon ng Pangalawang Pangulo upang maliwanagan daw sila sa umano’y naging pagbabanta niya sa buhay nina PBBM, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
“Yun namang threat niya kay Presidente BBM…considered namin nag-waive siya sa right niya na ma-express ang kaniyang reason, justification, whatever, bakit siya nag-threat kay Presidente, First Lady, at Speaker of the House,” anang NBI Director.
Matatandaang hindi nakadalo ang Bise Presidente noong Biyernes, Nobyembre 29 dahil umano sa “late cancellation” ng House Committee on Good Government.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara hindi sumipot sa NBI; sinisi 'late cancellation' ng hearing ng Kamara?
Kaugnay ng pagliban ng Pangalawang Pangulo sa kaniyang subpoena sa NBI, naunang iginiit ni Santiago na nakatakdang ilipat sa Disyembre 11 ang imbitasyon nila kay VP Sara.