Nagpapatuloy ang International Criminal Court (ICC) sa pagkalap ng posible nilang maging testigo at ebidensya laban sa umano’y labag sa batas na kampanya kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pamamagitan ng isang X post, inihayag ni ICC accredited counsel Kristina Conti noong Sabado, Nobyembre 30, 2024, ang pagbubukas daw ng tinawag na “ICC witness appeal” microsite na naglalayong mangolekta ng mga impormasyong may kinalaman sa drug war ng dating administrasyon ni FPRRD.
“Nagbukas ang ICC ng apela para sa mga witnesses sa imbestigasyon sa Pilipinas. Sinumang may credible na impormasyon tungkol sa "war on drugs" ni Duterte pwedeng mag-submit sa appeals.icc-cpi.int.,” ani Conti.
May mensahe rin ang ICC sa sinumang indibidwal na bibisita o magsusumite ng kanilang impormasyon sa naturang microsite. “The Office of the Prosecutor of the International Criminal Court (ICC) is investigating crimes committed in the Philippines as part of the 'War on Drugs', between November 2011 and March 2019. The information you share will be reviewed and we will contact you if we have more questions. We will review every submission, but cannot respond to everyone. In all cases, we thank you for your submission,” saad ng ICC.
Samantala, sa panayam ng isang local media outlet kay Conti, nilinaw niyang nakadepende raw sa klase ng impormasyong ibabahagi sa kanila ang magiging pagpapatawag sa mga “potential witness.”
“Some witnesses would be summoned or interviewed in person and that’s when you hand over the documents. It depends really on the kind of information you can offer,” saad ni Conti.
Matatandaang tahasang binanggit ni dating Pangulong Duterte sa Kamara na nakahanda raw siyang isuplong ang kaniyang sarili sa ICC, matapos niyang tahasang akuin ang lahat umano ng responsibilidad sa mga napatay daw noong kasagsagan ng kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-pres. Duterte sa ICC: 'Start the investigation tomorrow!'
Nauna na ring linawin ng Malacañang na wala raw silang balak pigilin si FPRRD sa kaniyang naturang pahayag at iginiit na handa raw makipagtulungan ang bansa sa International Criminal Police Organization (INTERPOL) kapag naglabas ito ng red notice laban sa dating Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: Malacañang, handang makipag-ugnayan sa INTERPOL 'pag naglabas ng red notice kay FPRRD