Isa na yata sa mga pinakatanyag na ulam ng mga Pilipino ay ang sinigang. May sinigang na baboy, isda at hipon. Pero sinigang na corned beef, posible ba?
Trending ngayon sa social media ang pagluluto at paglantak ng sinigang na corned beef. Sinasabing nagsimula ang usaping cravings tungkol dito noong Nobyembre 20, dahil sa post ng isang social media personality na si “Jenela in Japan” na nagtatanong kung may nagbebenta raw ba ng ng ganitong klaseng putahe sa Baguio dahil ayaw raw maniwala ng kaniyang asawa na may nag-eexist na ganitong ulam.
Sa video update, sinabi ni Jenela na dahil walang mahanap na nagbebenta ngsinigang na corned beef ang kaniyang asawa na si Kevin, siya na lang daw ang nagluto nito para sa kaniya.
Pumatok naman daw sa panlasa ng buntis ang nasabing luto at cravings satisfied naman daw siya. Maraming netizens ang nagsabi na ngayon lang din nila nalamang may ganito pa lang klaseng sinigang. Ang iba naman, sinasabing matagal nang may ganitong klaseng paraan ng pagluluto ng sinigang sa probinsya.
Nagmistulang challenge na tuloy ang pagluluto ng sinigang na corned beef para sa maraming netizens dahil ngayon, patok sa iba't ibang social media platforms ang kabi-kabilang upload ng bersyon nila ng nabanggit na ulam.
Ayon sa Panlasang Pinoy website, ang sinigang na corned beef ay isang masarap na twist sa klasikong Filipino dish na sinigang. Sa halip na gumamit ng tradisyonal na baboy, baka, o seafood, ang sinigang na ito ay gumagamit ng corned beef bilang pangunahing protein.
May dalawang bersyon nito:
Una, ang Fresh Corned Beef Sinigang—ginagamitan ng corned beef brisket na nilalaga sa sabaw na sinigang sa sampalok mix. Ang karne ay pinalalambot hanggang maging malasa at tender, saka hinahaluan ng gulay tulad ng kangkong, labanos, sitaw, at talong. Ang proseso ay mas matagal dahil kailangang palambutin ang brisket nang tama.
Pangalawa, ang Canned Corned Beef Sinigang—Mas mabilis itong lutuin dahil ginagamit ang de-latang corned beef. Hinahalo ito sa sinigang na sabaw, kaya nagkakaroon ng unique na kombinasyon ng alat mula sa corned beef at asim mula sa sinigang. Mainam ito para sa mga gustong makatikim ng kakaibang ulam na madali at mabilis ihanda.
Ikaw ka-Balita, sa tingin mo masarap ba ang sinigang na corned beef?