December 01, 2024

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Post ni Neri noong 2023 tungkol sa pagkalas sa kontrobersyal na skincare company, kumakalat

Post ni Neri noong 2023 tungkol sa pagkalas sa kontrobersyal na skincare company, kumakalat

Usap-usapan ng mga netizen ang social media post ng dating aktres at negosyanteng si Neri Naig Miranda noong Setyembre 1, 2023, na nagbibigay-pabatid sa lahat na hindi na siya konektado sa Dermacare, o Dermacare-Beyond Skin Care Solutions na pagmamay-ari ni Chanda Atienza.

Mababasa sa post ni Neri, hindi na raw siya affiliated o associated sa nabanggit na kompanya, kung saan naging endorser at franchisee siya nito.

Sinabi rin ni Neri na anumang transaksyon o engagements na gumagamit sa pangalan niya para sa Dermacare ay walang consent mula sa kaniya, kaya nanawagan siya sa mga netizen na kung may kakilala silang ginagamit siya para dito, ay ipagbigay-alam sa kaniya.

Photo courtesy: Screenshot from Neri Naig Miranda (Facebook)

Matatandaang kasalukuyang nakakulong ngayon si Neri sa Pasay City Female Dormitory matapos dakpin ng mga pulis sa Pasay dahil umano sa 14 counts ng violation ng securities regulation code at syndicated estafa, dahil sa skincare company na pagmamay-ari ni Atienza.

Tsika at Intriga

Vice Ganda, humirit tungkol sa 'confidential fund'

Sa paliwanag naman ng Securities and Exchange Commission (SEC), labag umano sa batas ang ginawang paghimok sa investors na magpasok ng investment sa kompanya dahil hindi ito nakapag-comply sa hinihinging requirements.

Pagtiyak naman ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), wala silang espesyal na pagtrato para sa aktres at negosyante na kasalukuyang nakakulong sa Pasay City Jail Female Dormitory matapos arestuhin ng mga pulis noong Nobyembre 23, dahil sa 14 counts ng violation sa securities regulation code, at syndicated estafa.

Sa panayam ng ABS-CBN News na umere sa TV Patrol kay JSupt. Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng BJMP, sinabi niyang walang special treatment kay Miranda na kasa-kasama ang iba pang mga nakapiit sa nabanggit na city jail.

"Limited lang po talaga ang space doon. Nasa 150 PDL doon so nakasama na niya 'yong ibang PDLs," saad ni Bustinera.

Samantala, inaasahang sa kulungan na magdiriwang ng Pasko at sasalubungin ang Bagong Taon ni Neri matapos ma-reset ang arraignment o pagbasa ng sakdal sa kaniya, na isasagawa sa Enero 9, 2025.

Naantala ang arraignment dahil sa apela ng kampo ni Neri na ibasura ang kaso ng korte laban sa kaniya.

Saad naman ng legal counsel ni Neri na si Atty. Aurelio Sinsuat na wala pa silang opisyal na pahayag sa ngayon, kaya hindi muna sila makapagbibigay ng komento.

MAKI-BALITA: BJMP, tiniyak na walang special treatment kay Neri sa Pasay City Jail