Naglabas nang pagbati ang dalawang pinakamatataas na pinuno ng bansa na sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos at Vice President Sara Duterte para sa ika-161 kaarawan ng bayaning si Gat Andres Bonifacio, ngayong Sabado, Nobyembre 30, 2024.
Sa inilabas na pahayag ni PBBM sa kaniyang opisyal Facebook page, nanawagan siya sa mga Pilipino hinggil sa pakikiisa raw ng bawat mamamayan sa pagsulong ng bansa, bilang pag-alala sa mga naging kontribusyon ni Bonifacio sa kasaysayan at kalayaan ng Pilipinas.
“His courage, selflessness, and determination continue to inspire us all to strive for greatness in our shared task of nation-building. Let us honor his memory by finding a deeper meaning in his sacrifice and doing our part in liberating our country from the shackles of hunger, corruption, criminality, and other ills of society,” anang Pangulo.
Muli ring iginiit ng Pangulo ang importansya daw ng pagmamahal sa bansa at sa kapuwa, na siyang gabay umano para sa mas maayos na Bagong Pilipinas.
“With patriotism, discipline, and love for one another as our guide, let us build a better Bagong Pilipinas where every Filipino lives in genuine peace, progress, and harmony,” saad ni PBBM.
Samantala, sa pamamagitan naman ng isang video message, ipinarating naman ni VP Sara ang kaniyang mensahe sa mga mamamayan kung saan pinaalalahana niya ang bawat isa pag-alab umano ng katapangan katulad nang pakikibaka umano ni Bonifacio para sa kalayaan ng bansa.
“Tiyakin sana lagi natin na manatiling buhay ang diwa ni Bonifacio sa ating mga puso. Ipalaganap natin ang mensahe ng kanyang kabayanihan sa isa’t isa at sana ay maging apoy itong mag-alab para tayo ay maging mas matatag, matapang, at naninindigan,” saad ni VP Sara.
Dagdag pa ng Bise, ang pamana raw ni Bonifacio ay kalayaan na dapat umanong alagaan at ipaglaban ng bawat mamamayan.
“Mga kababayan, ang pamana ni Bonifacio sa atin ay ang ating kalayaan. Alagaan natin ito. Ipaglaban natin ito,” anang Pangalawang Pangulo.