November 30, 2024

Home BALITA

PBBM, magpa-Pasko sa evacuation center 'pag 'di agad naitayo mga bahay sa Isla Puting Bato?

PBBM, magpa-Pasko sa evacuation center 'pag 'di agad naitayo mga bahay sa Isla Puting Bato?
Photo courtesy: Bongbong Marcos,RTVM/Facebook

Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa mga residenteng apektado ng malawakang sunog sa Isla Puting Bato noong Nobyembre 24, 2024. 

KAUGNAY NA BALITA: Kabahayan sa Isla Puting Bato sa Tondo, tinupok ng apoy

Namahagi ang Pangulo kasama ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Honey Lacuna ng tinatayang ₱21M na ayuda sa mga biktima ng naturang sunog. 

Pagtitiyak ni PBBM, makakaasa raw ang mga residente ng Isla Puting Bato na maaari na raw makauwi ang mga ito mula sa evacuation center, bago sumapit ang Pasko dahil minamadali na raw niya ang pagpapagawa at pagsasaayos ng mga tirahan nito. 

What's next? Atty. Zuleika Lopez, may release order na mula Committee on Good Government

“Hindi po tayo titigil at gagawin natin lahat para tulungan kayo dahil alam naman po namin na kahit kayo’y nakangiti at malakas ang sigaw, marami po kayong iniisip kung paano alagaan ang inyong sarili, ang inyong mga pamilya, kung saan kayo uuwi. Alam po namin ‘yun,” anang Pangulo. 

Hinamon din umano ng Pangulo ang alkalde ng Maynila at nakahanda raw siyang mag-Pasko kasama ang mga residente ng nasunugan kapag hindi raw naisaayos ang tirahan nila hanggang Pasko. 

“Pag kayo ay hindi pa namin naiuwi pagdating ng Pasko, ako’y pupunta dito magpa-party, mag me-Merry Christmas tayo. Sama-sama. ‘Yan ‘yung pag udyok ko kay Mayor Lacuna,” anang Pangulo. 

Ayon sa Palasyo, tinatayang nasa 2,114 mga pamilya na binubuo ng 6,957 indibidwal ang apektado ng nasabing sunog na sumiklab sa naturang bahagi ng Tondo. 

Nakatanggap ng tig-₱10,000 halaga ng tulong ang nasa 2,100 bukod pa sa ipinamahaging family food packs, blankets at sleeping mats. Kasalukuyang nanunuluyan ang mga residente ng Isla Puting Bato sa Delpan Evacuation Center.