Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na maaari din umanong mahainan ng subpoena mula sa National Bureau of Investigation (NBI) si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagharap ni DOJ Undersecretary Jesse Andres sa media nitong Huwebes, Nobyembre 28, 2024 nilinaw niya ang posibilidad na maaari din umanong ipa-subpoena ng NBI si FPRRD kaugnay ng naging pahayag nito na pakilusin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.
“Malaking posibilidad po iyan dahil po lahat ng requirements of due process ay kailangan po nating tuparin,” ani Andres.
Dagdag pa ni Andres, malaki raw ang kaniyang tiwala sa integridad ng AFP at Philippine National Police (PNP), na hindi raw manghihimasok ang mga ito sa usaping politika at ng pamahalaan.
“I know that the Philippine National Police, the Armed Forces of the Philippines is a professional organization and they will never interfere in civil affairs and civil governance.”
Matatandaang kasunod ng pagbabanta ni Vice President Sara Duterte sa buhay ni PBBM, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez, ay naglabas ng pahayag ang dating Pangulo at nanawagan sa AFP na almahan ang pamumuno ni Marcos Jr.
Saad pa ni Andres, ang proseso raw ng kanilang imbestigasyon hinggil sa mga pahayag laban sa gobyerno at seguridad ng bansa ay magpapatunay lamang daw na patas ang batas para sa mga ordinaryo at mga taong nasa kapangyarihan.
“We can show to the world, show to our citizens that no one is above the law whether you have power or influence or you are an ordinary citizen you have to face the law equally, and uniformly it will be applied,” saad ni Andres.
Inalmahan naman ng Palasyo ang naturang pahayag ni FPRRD at tinawag umanong iresponsable at makasarili ang mga sinabi nito.
KAUGNAY NA BALITA: Malacañang, inalmahan si Ex-Pres. Duterte: ‘He should respect the constitution!’
BASAHIN: Matapos banta ni VP Sara kina PBBM: AFP, mananatili raw ‘loyal’ sa Konstitusyon