Pansamantalang natigil ang road widening sa kahabaan ng MIA Road sa Pasay City, matapos umanong mahukay ang hinihinalang vintage bomb, nitong Huwebes, Nobyembre 28, 2024.
Sa panayam ng DZBB Super Radyo sa Pasay City Police, nabanggit nito ang mabilis nilang pagresponde sa lokasyon ng nasabing bomba, matapos may magbigay-alam sa kanila na tila may tinatamaan daw kasing bakal ang ilang mga tauhang naghuhukay doon kaya’t nang tingnan daw ito, ay tumambad ang hinihinala nilang vintage bomb.
Agad din daw sumaklolo ang Aviation Security EOD and Canine Unit (AVSECU) upang masiguro ang ligtas na pagtanggal ng nasabing bomba na tinatayang nasa 54 inches ang haba at may lapad na 63 inches.
Pinag-aaralan pa raw ng mga awtoridad kung ang nasabing vintage bomb ay US made na tinangkang pasabugin noong World War II.
Matatandaang kamakailan lang ay may nahukay din na vintage bomb mula naman sa may baybayin ng Manila Bay sa kasagsagan nang operation noong Sabado, Nobyembre 23, 2024.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, kasalukuyan ng nasa pangangalaga ng Manila Police District Explosives and Ordnance Division (MPD-EOD) ang naturang vintage bomb.