Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang magiging pagbabago raw sa kanilang opisyal na Facebook page, bilang tugon sa pang-aatake raw ng mga “trolls.”
Sa kanilang Facebook page, inilabas ng AFP ang kanilang pahiyag nitong Miyerkules, Nobyembre 27, 2024, at sinabing pansamantala raw nilang tatanggalin ang ilang features sa kanilang page dahil umano sa kahina-hinalang mga aktibidad ng trolls dito.
“We are temporarily disabling features on our official Facebook page to deny trolls a platform for their suspicious activities,” anang AFP.
Dagdag pa nila, maituturing daw kasi na banta ang mga troll farms sa lipunan kung kaya’t hindi raw nila hahayaang magkalat pa ito ng mga mali at malisyosong impormasyon.
“Troll farms are a menace to society and we choose not to empower inauthentic actors in their coordinated attempt to spread disinformation and misinformation,” saad ng AFP.
Bagama’t magkakaroon ng ilang pagbabago sa nasabing page ng AFP, nilinaw naman nito na patuloy pa rin daw silang maglalabas ng mga anunsyo at pahayag sa kanilang legitimate platforms at media.
“Statements, releases, and information on our activities will continue to be posted on our official channels and legitimate media organizations,” dagdag ng AFP.
Nanawagan din ito sa publiko na tanging sa legitimate sources lamang daw tumanggap ng mga impormasyon upang maiwasan pa ang impluwensya ng trolls.
“We call on everyone to report malicious activities online and receive information from reputable sources only.”
Kasalukuyang naka-turn off ang comment sections ng AFP Facebook page at hindi rin ito maaaring tumanggap ng mga mensahe.
Matatandaang nauna nang pabulaanan ni AFP Chief General Romeo Browler Jr. ang mga umuugong umanong balita na siya ang hahawak ng security personnel ni Vice President Sara Duterte matapos nitong maglabas ng pagbabanta laban sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez kapag may nangyaring masama raw sa Bise Presidente.
KAUGNAY NA BALITA: Pahayag ni VP Sara, ‘active threat’ sa buhay ni PBBM — Malacañang