Nagsalita na si Vice President Sara Duterte hinggil sa isa sa mga posible raw na kasong maaaring maisampa sa kaniya, kasunod ng umano’y pagbabanta niya sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
KAUGNAY NA BALITA: Pahayag ni VP Sara, ‘active threat’ sa buhay ni PBBM — Malacañang
Sa isang press conference nitong Miyerkules, Nobyembre 27, iginiit ng Pangalawang Pangulo na malinaw daw na porma ng pang-aapi at panghaharas ang ginagawa sa kaniya ng pamahalaan.
"Ano bang gusto nilang gawin? kaya sila nagfa-file o nagcha-charge ng Anti-Terrorism Law? Gusto nila magcancel ng passport. Gusto nila magred notice sa International, so hindi ka makakagalaw overseas. Gusto nila mag AMLAC, Anti Money Laundering violations,” anang Pangalawang Pangulo.
Iginiit din ni VP Sara na gusto rin daw kasi siyang ipitin ng pamahalaan upang hindi niya mapakinabangan ang kaniyang mga ari-arian sa pamamagitan pa rin ng Anti-Terror Law.
“So ibig sabihin non, ifi-freeze nila yung pera mo at yung properties mo. Hindi ka makakagastos ng pera at hindi ka makakapasok sa properties mo,” ani VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, posible raw makasuhan ng paglabag sa Anti-Terror Law
Diretsahan muling binanggit ng Bise Presidente ang posible raw na mangyari sa kaniya kapag siya ay nahatulan ng paglabag sa naturang batas, na dagdag pa niya ay mismong layunin ng gobyerno upang gipitan daw siya.
“It's not without the President. Ang pag-file nila ng Anti-Terrorism Law, yung mga sinabi ko ngayon, yun yung gusto nilang gawin. Kaya't pinipilit nila na mayroong violation sa batas. Magcancel na passport, mag-red notice, mag-AMLAC, mag-issues ng kaliwa't kanan na search warrant,” anang Pangalawang Pangulo.
Tahasan din niyang sinabi na ito raw ay panghaharas sa kaniya mula sa umano’y “na-out of context” daw na pakahulugan hinggil sa banta niya sa buhay nina PBBM.
“So ibig sabihin, babalik pa rin tayo doon, this is clearly oppression and harassment. For remarks that, pinipilit nila to take it out of its logical context,” ani VP Sara.
Matatandaang nauna nang ihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na maaaring makasuhan si VP Sara alinsunod sa nakasaad sa subpoena na naibigay sa kaniya nitong Martes, Nobyembre 26.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, nahainan na ng subpoena ng NBI